MINSAN iginigisa na tayo sa sarili nating mantika hindi pa rin natin maramdaman ang init nito at hinahayaan lang natin.
“Sila na ang may atraso sila pa may ganang manakot. Abogado daw ang anak niya kaya’t hindi niya ako uurungan,” wika ni Lety.
Sa edad na 69 ni Maria Leticia “Lety” Chua, nakatira sa Quezon City ay nag-iisip pa siya ng mapagkakakitaan. Taong 1977 pa lang nang mamatay ang kanyang asawang si Benito. Tatlo ang kanilang naging anak. Ang pensiyon niya sa SSS na nagkakahalaga ng Php3,600 ang kanyang inaasahan bawat buwan. Taong 2012 nang lumapit sa kanya si Cristita Navarra. Hindi na daw nito kayang matubos ang bahay at lupang nakasanla sa bangko. May lawak na 126sqm ito. May nakatayo nang bahay dito nang mabili ni Cristita.
“Ibebenta na lang daw niya sa ‘kin kaysa naman maremata ng bangko para may makuha din siyang pera,” ayon kay Lety.
Mahigit walong milyon ang pagkakabili ni Cristita dito at inaalok niya ito kay Lety ng Php11,600,000. Inisip ni Lety kung mapapakinabangan niya ba ito. Nasa commercial area ang bahay at may tatlong pinto. Maaari niya itong parentahan para may kita siya bawat buwan.
“Pumayag ako dahil nakita ko na din naman ang bahay na yun. Sabi niya pa rerentahan niya sa akin ang tatlong pinto ng Php60,000 kada buwan. May 10% pang dagdag makalipas ang dalawang taon,” salaysay ni Lety.
Sigurado na ang kita ni Lety na Php60,000 at hindi lamang sa pensiyon siya aasa pagnagkataon. Pumirma siya ng kasunduan sa pagitan nila. Nagbigay din ng mga Post Dated Checks (PDC) si Cristita sa kanyang hanggang sa taong 2016. Ibinawas na sa kanyang babayarin ang dating nahiram ni Cristita sa isang milyong piso. May natirang ipon si Lety at ang kulang ay inihingi niya ng tulong sa anak.
“Yung iba tseke yung iba binayaran ko ng cash. Nakuha ko ang pera ko nang maibenta ang dati naming bahay kaya’t nakaya kong bilihin ang iniaalok sa ‘kin,” kwento ni Lety.
Sa unang walong buwan ay maayos naman ang kita ni Lety. Ang negosyo ng pamilya Navarra ay tindahan ng ‘motorcycle parts’ kaya’t tiwala siya na maayos kausap ang mga ito. Pagdating ng ilang buwan nahirapan na si Lety na mangolekta dahil nagsisitalbugan na ang mga tseke. Naniningil siya kina Cristita at sinasabi niyang walang pondo o Account Closed ang mga tseke. Mag-i-issue ito ng panibago ngunit ganun lang din ang nangyayari. Isang libo hanggang dalawang libo lamang ang ibinibigay sa kanya.
“Hindi man lang umabot sa limang libo ang nabibigay buwan-buwan. Luging-lugi ako,” ayon kay Lety.
Tumagal pa hanggang Enero 2014 ang ganitong sistema. Naging arawan na ang ibinabayad sa kanya at kadalasan Php500 na lang.
“Kinausap ko sila ng asawa niyang si Elizalde. Puro lang sila pangako pero hindi naman natutupad,” sabi ni Lety.
Kung aaraw-arawin ni Lety ang paniningil sa mag-asawa at aabutan lamang siya ng Php300 hanggang Php500 piso na kulang pa sa kanyang ipapamasahe, naisip niyang walang patutunguhan ang kanyang pagtitiyaga. Sa init ng araw at sa hirap ng biyahe ay luging-lugi siya. Ang ginawa niya dumulog sa barangay upang humingi ng tulong. Nagkaroon sila ng tatlong paghaharap ngunit tulad ng inaasahan ni Lety nangako lamang ang mga ito sa kanya. Nagsabi pa daw ito na magsampa na lamang siya ng reklamo sa korte at dun sila magharap.
“Ipinagmamalaki niya kasi na abogado ang anak niya. Kahit abogado yun may hustisya pa din naman tayo. Sila na nga itong may atraso sila pa ang nagmamayabang,” pahayag ni Lety.
Binigyan ng Certificate to File Action (CFA) si Lety ngunit dahil sa kawalan ng abogado hindi pa siya nakakapagsampa ng reklamo. Sinubukan pa din ni Lety na kausapin sina Cristita at nagbabakasakali siyang madaan ito sa maayos na usapan. Mula Quezon City bumiyahe siya papuntang Manila para mapuntahan ang mga to.
“Wala pa ding nangyari. Sinabihan pa akong ano daw ang magagawa niya kung wala silang pera,” wika ni Lety.
Nais ni Lety na masingil si Cristita at mapaalis na sila sa bahay na yun dahil hindi naman natupad ang kanilang naging kasunduan. Ito ang dahilan ng paglapit niya sa aming tanggapan.
Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Lety.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, para sa atin isa sa magandang negosyo ang pagpapaupa. Basta may bahay kang maganda o maayus-ayos na katanggap-tanggap sa mga umuupa ay maaari ka nang kumita. Walang pagod o trabaho ang dapat mong gawin at kapag maganda kung magbayad ang tao ay maganda din ang kita mo. Kung sakaling makatapat ka naman ng balahura at may kakapalan ang mukha dito na magsisimula ang iyong problema.
Malaki ang naging tiwala ni Lety sa pamilyang ito na nagbenta sa kanya ng bahay at lupa sapagkat nag-issue na ito ng PDC. Kung iisipin mo nga naman hawak mo na ang pera at ipapapalit mo na lamang ito kapag dumating na ang tamang panahon. Ang masaklap lang talbog at walang pondo ang karamihan dito. Maaari siyang magsampa ng BP22 laban kina Cristita. Ang tseke ang magiging matibay na ebidensiya niya dito. Huwag lamang niyang kalimutan ang magpadala ng demand letter ng kanyang paniningil dahil hahanapin ito sa kanyang pagsasampa ng kaso. Ejectment naman ang maaari niyang ikaso kina Cristita at Elizarde upang mapaalis sila sa nasabing bahay. Matagal man ang hihintayin ni Lety ay aabot din sa puntong kakailanganin nang umalis ng pamilya doon dahil si Lety ang legal na may-ari ng nasabing lugar.
Ini-refer si Lety sa Integrated Bar of the Philippines (IBP) kay Atty. Jose Cabrera para sila’y mabigyan ng tulong ligal. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor City State Centre Bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038.