Manong Wen (226)

“MAGANDA pa rin si Violy, Jo. Kahit may edad at marami nang puti ang buhok, kaakit-akit pa rin siya,” sabi ni Tatang Nado. Nakakubli sila sa di-kalayuan at pinagmamasdan si Mam Violeta.

“Hindi po ba nagbago ang style ng buhok niya?’’

“Dati mahaba ang buhok niya. Hanggang balikat. Pero mas bagay sa kanya ang maikling buhok.’’

“Mukhang in-lab na in-lab ka Tatang Nado!’’

“Oo, Jo. Puwede kayang tumambay ako rito maghapon? Gusto kong makita nang matagal si Violy.’’

“Baka po makapansin sa’yo ay paghinalaan kang holdaper o masamang loob. Alam mo naman po rito sa Maynila, maraming gumagawa ng kasamaan kaya naging alerto na ang mga tao.’’

“Saan kaya ako magandang tumambay para lagi siyang natatanaw?’’

Nag-isip si Jo. Pagkaraan ay tumingin sa paligid. Nakita niya ang isang coffee shop sa di-kalayuan.

“Ayun, Tatang Nado!’’ Sabay turo sa coffee shop.

“Ano yun?’’

“Dun ka tatambay para laging nakikita si Mam Violy.’’

“Oo nga ano. Habang humihigop ng kape, nakasulyap ako sa kinaroroonan ni Violy.’’

“Halika at masubukan natin kung masarap ang kape roon.’’

Tinungo nila ang coffee shop. Pinili nila ang upuang nakaharap sa tindahan ng damit ni Mam Violy.

Umorder sila ng dalawang brewed coffee at dalawang ensaymada.

Habang humihigop ng kape, nakatingin sila sa kinaroroonan ni Mam Violy.

“Eksaktung-eksakto, Jo. Kitang-kita ko si Violy mula rito.’’

“E di puwede ka nang mag-isa rito bukas, Tatang Nado.’’

“Oo, Jo. Kaya lang may problema.”

“Anong problema, Tatang?”

“Wala akong pambayad sa kape. Alam mo naman, hindi ako gumamit ng pera habang nasa bundok.’’

Napangiti si Jo.

“Walang problema Tatang. Eto ang pera. Dalawang libo! Maraming kape at ensaymada kang mabibili niyan.’’

Tuwang-tuwa si Tatang Nado. Hindi malaman kung saan itatago  ang pera.

“Salamat Jo. Salamat sa tulong mo.’’

“Hangga’t kailangan mo  nang tulong, narito ako. Hindi kita pababayaan.’’

“Salamat Jo. Bukas, narito uli ako. Dito na ako mag-aabang para makita si Violy.’’

“Kabisado mo na itong lugar, Tatang?”’

“Oo.’’

“Mag-ingat ka lang dito at baka ka masalisihan. Huwag kang maglalabas ng pitaka at iba pa. Siyanga pala ibibigay ko sa’yo ang isang cell phone para matawagan mo ako. Marunong ka bang mag-cell.”

“Madaling pag-aralan ‘yan.’’

“Good.’’

KINABUKASAN, maagang gumising si Tatang Nado. Sabik na siyang makita si Mam Violy sa tindahan nito.

(Itutuloy)

Show comments