Alagaan ang kidneys

(Part 2)

SA nakaraang artikulo, nabanggit ko ang mga tips para alagaan ang kidneys: (1) Bawasan ang asin sa pagkain, (2) Limitahan ang protina sa pagkain, (3) Gamutin ang altapresyon o high blood pressure at (4) Gamutin ang diabetes.

Payo ito ni Dra. Elizabeth Montemayor, isang tanyag na kidney specialist, Head ng Section of Nephrology sa PGH at Head ng Hemodialysis Unit sa Manila Doctors Hospital. Heto pa ang iba pang payo para sa kidneys:

1. Limitahan ang paggamit ng pain relievers (gamot sa kirot) – Ang mga pangkaraniwang pain relievers tulad ng mefenamic acid, ibuprofen, at mga mamahaling pain relievers tulad ng celecoxib, ay puwedeng makasira ng kidneys. Kailangan ay limitahan ang paggamit nito sa 1 o 2 linggo lamang. Pagkatapos ay ipapahinga muna natin ang kidneys, bago muli bigyan ng gamot sa kirot. Kaya kung ika’y may arthritis, maaaring lagyan ng mainit na tubig (hot compress) at uminom ng paracetamol tablets.

2. Uminom ng sapat na tubig sa isang araw – Ang pangkaraniwang payo ng doktor ay ang pag-inom ng 8 basong tubig sa isang araw. Makatutulong ito sa pag-iwas sa kidney stones o bato sa bato.

3. Para sa mga taong magpapa-CT Scan o MRI with contrast dye (‘yung gumagamit ng dye na ipinadadaan sa ugat), kailangan nating pangalagaan ang inyong kidneys. Uminom muna ng 1-2 basong tubig bago magpa-CT scan o MRI para matulungan ang kidneys na ilabas itong dye.

4. Wala pang basehan ang paggamit ng supplements para sa kidneys – Ayon kay Dra. Montemayor, wala pang supplement na naimbento na napatunayang makatutulong sa kidneys. Sundin lamang ang mga payong naibigay natin at mapapangalagaan na ang ating kidneys.

5. Huwag sobrahan ang pag-inom ng Vitamin C – Ayon kay Dra. Montemayor, hanggang 500 mg lang ng Vitamin C ang kanyang mare-rekomenda. Ang sobrang vitamin C ay puwedeng magdulot ng kidney stones. At ang kidney stones naman ay puwedeng umabot sa kidney failure kapag hindi naagapan.

6. Magtanong muna sa doktor bago uminom ng kahit anong gamot. Magpa-check ng ihi (urinalysis) at dugo (CBC, BUN at creatinine) at kumunsulta sa inyong kidney specialists o doktor. Napakahalaga ng ating kidneys. Alagaan natin ito.

 

Show comments