ISANG bagong klase ng mga damit ang naimbento sa Amerika na tamang-tama para sa mga celebrity na gustong makaiwas sa camera ng mga paparazzi na mahilig kumuha ng mga litrato ng panakaw.
Ang mga damit kasi na ito ay lubos na nagliliwanag kapag tinamaan ng flash ng camera kaya naman hindi makikita ang mukha ng may suot nito sa litrato.
Si DJ Chris Holmes ang nakaisip na magbenta ng mga damit na ito. May iba’t iba siyang klase ng damit na puwede sa iba’t ibang okasyon dahil maaring mamili ang gustong makaiwas sa mga paparazzi mula sa hoodie, suit, o sombrero.
Gawa ang kanyang mga ipinagbebentang mga damit sa reflective thread na hindi kaiba sa mga materyales na nasa mga reflective vest o sa mga early warning device na ginagamit ng mga motorista.
Ayon kay Holmes ay pumasok sa isip niya ang paggawa ng mga damit na pangontra sa mga paparazzi nang minsang magsuot siya ng reflective thread sa kanyang damit. Napansin niya sa mga litrato niya pagkatapos na hindi na makita ang kanyang mukha dahil sa sobrang liwanag ng kanyang damit. Noon niya naisip na puwedeng pagkakitaan ang paggamit ng mga reflective thread sa damit para sa mga celebrity na ayaw makunan ng litrato.
Sa ngayon ay naglalaro sa $50 (humigit kumulang P4,300) hanggang $400 (o P17,000) ang mga damit na ipinagbebenta ni Holmes.