HALOS lahat ng mga eksperto sa batas ay nagsasabing napakaraming butas ang kontrobersiyal na Bangsamoro Basic Law (BBL).
Napakaraming probisyon ng panukala ang itinuturing na labag sa Saligang Batas kaya naman marami ang inaasahang makakaltas sa orihinal na panukala.
Napaka-importante ng panukalang BBL dahil paglalaanan ng bilyong pisong pondo na mula sa buwis ng taumbayan.
Hindi dapat na masayang ang napakalaking pondo at higit sa lahat ay dapat na maging susi ito sa tunay na kapayapaan at kaunlaran sa Mindanao na pakikinabangan ng buong bansa.
Bukod sa posibleng pag-aksaya ng pondo ay baka maaksaya lang din ang panahon at mauwi sa wala ang BBL Kung hindi masisinop ng Kongreso.
Napakahalaga ng usapin sa konstitusyon dahil kapag pinalusot ito ng Kongreso na may kuwestiyon ay baka maideklarang unconstitutional din ng Korte Suprema at back to zero din ang lahat. Samantala, ang isa sa pinakamahalagang pag-usapan din ay kung ang mga naunang ipinangakong tulong sa 44 na pamilya ng namatay na SAF troopers.
Sa ngayon, tanging ang Makati government pa lamang ang nagbigay ng maraming tulong sa mga pamilya ng SAF 44.
Pinakahuling pinagkalooban ni Vice President Jejomar Binay at ng kanyang pamilya ng tig-P100,000 ay ang 15 kagawad ng PNP-SAF na nasugatan. Malaking tulong ito sa mga pulis.
Nauna rito, binigyan din ni Binay kasama si Senator Nancy at Dra. Elenita ng tig-100,000 ang pamilya ng namatay na SAF 44 bukod pa sa scholarship benefits at halagang P300,000 sa housing benefits mula sa National Housing Authority.
Sana huwag kalimutan ang SAF 44 dahil sila ang gumising sa lahat ng sektor maging sa mga mambabatas upang himayin nang husto ang panukalang BBL.