MAY bago nang hepe ang elite Special Action Force (SAF) ng Philippine National Police (PNP), mahigit isang buwan makalipas ang madugong pagpatay sa 44 na SAF commandos sa Mamasapano, Maguindanao. Hinirang si Chief Supt. Moro Virgilio Lazo kapalit ni Chief Supt. Noli Taliño na pansamantalang inilagay sa puwesto makaraan ang Mamasapano clash noong Enero 25. Si Lazo ay kabilang sa Philippine Military Academy (PMA) Class 84. Mistah niya si Taliño.
Malaki ang responsibilidad ni Lazo ngayong siya na ang hepe ng SAF.
Dapat niyang ibangon ang SAF mula sa pagkakalugmok mula nang makaengkuwentro ang mga rebeldeng MILF at breakway group BIFF. Bagama’t napatay ang Malaysian bomb expert na si Marwan, malaki naman ang kapalit sapagkat 44 ang walang awang pinatay. Naipit sa maisan ang commandos at doon walang awang pinagbabaril kahit nakabulagta na. Ninakaw ang mga cell phone, baril at uniporme. Kinunan pa ng video.
Si resigned PNP chief Dir. Gen. Alan Purisima at sinibak na SAF commander Getulio Napeñas ang itinuturong may kasalanan sa palpak na operasyon. Kahit na suspendido si Purisima siya pa rin ang nasusunod. Ipinaglihim nila ang pagsalakay. Hindi sila nakipagkoordinasyon sa AFP kaya hindi agad nasaklolohan.
Malaking leksiyon ang nangyari. Dahil sa lapses, nagbuwis ng buhay ang commandos. Dapat itama ni Lazo ang maling sistema sa SAF. Dapat hindi siya susunod sa utos ng opisyal ng suspendido. Dapat makipagkoordinasyon at hindi dapat naglilihim sa operasyon lalo pa’t delikadong mga tao ang huhulihin.
Ibangon ni Laso ang SAF. Hanguin ito mula sa pagkakalugmok na ang may kagagawan ay ilang taong walang pakiramdam.