MAALIWALAS ang panahon. Tamang-tama sa ginawang pag-akyat nina Jo at Princess sa Bundok Maningkol na kinaroroo-nan ni Tatang Nado. Habang pataas nang pataas ang kanilang nilalakbay, lumalamig nang lumalamig ang simoy ng hangin.
“Ang sarap ng hangin ano, Princess?’’ Tanong ni Jo.
“Oo nga. Napakasarap umakyat sa bundok na ito.’’
“Mga dalawang oras tayong maglalakad, Princess.’’
“Sa palagay mo, naroon si Tatang Nado?’’
‘‘Palagay ko.’’
‘‘Sasabihin ba natin ang mga sinabi Mam Violeta ukol sa kanya.’’
‘‘Oo. Kailangang malaman niya. Wala tayong ililihim.’’
‘‘Pagkatapos nating masabi ang lahat, anong susunod nating hakbang?’’
“Pakikiusapan natin siyang bumaba ng bundok na ito para makagawa ng kabayanihan sa kanyang mag-ina. Sasabihin natin, yun lamang ang ta-nging paraan para muling manumbalik ang tiwala at pagmamahal sa kanya ng mag-ina.’’
“Paano kung tumanggi siyang bumaba?’’
“Wala na tayong magagawa, Princess. Ginawa na natin ang lahat para siya mapalapit sa kalooban ng mag-ina pero kung ayaw niya, hopeless na talaga.’’
“Tutulungan kita sa pagpapaliwanag at pagkumbinsi kay Tatang Nado. Ibibigay kong halimbawa ang ginawa ni Inay sa amin ni Precious para muli kaming mapalapit sa kanya. Palagay ko, bato na lang ang hindi maaantig sa nangyari sa amin.’’
‘‘Salamat Princess. Kapag napababa natin si Tatang Nado at nakagawa siya nang kabayanihan sa kanyang mag-ina, malaking tagumpay ito.’’
‘‘Oo, Jo. Tayo ang saksi sa muli nilang pagbubuo at pagsasama.’’
Makalipas ang dalawang oras, natanaw na nila ang kubo ni Tatang Nado.
‘‘Ayun ang kanyang kubo, Princess.’’
‘‘Diyan ka sa kubong ‘yan ginamot ng matanda?’’
‘‘Oo. Napakasarap ma-tulog sa kubong ‘yan, Princess. Presko.’’
Tinungo nila ang kinaroonan ng kubo ni Tatang Nado. Tahimik na tahimik ang kapaligiran. Walang mga ibon na humuhuni.
Nang nasa harapan na sila ng kubo ay tumawag si Jo.
“Tatang Nado! Tatang Nado!’’
Pero walang sumasagot.
“Parang walang tao, Jo.’’
Inulit ang tawag.
“Wala pa ring sumasagot.’’’
Delikado ito. Baka may nangyari kay Tatang Nado!
(Itutuloy)