ANIM na taon si Edgardo Mortara, anak ng mag-asawang Jewish, nang kunin siya ng mga pulis mula sa kanilang tahanan sa utos ni Pope Pius IX. Noong araw, ang Papa ay doble ang kapangyarihan, siya na ang pinuno ng bansa, siya pa rin ang pinuno ng Simbahan.
Ang pamilya ng mga Mortara ay may isang katulong/yaya na Katoliko na nag-alala sa kalagayan ng batang si Edgardo. May mabigat na karamdaman si Edgardo. Nag-aalala ang yaya na kapag namatay ito, malamang na pumunta sa impiyerno ang kanyang kaluluwa dahil hindi nakaranas na binyagan.
Humingi siya ng tulong sa Papa. Nakiusap na binyagan ang bata bago pa ito mamatay. At iyon nga, isang gabi’y sapilitang kinuha si Edgardo ng mga pulis para dalhin sa Papa at binyagan ito. Nagkaroon ng komplikasyon matapos binyagan si Edgardo. Sa ilalim ng canon law (batas ng Simbahan), ang batang bininyagan sa ilalim ng Simbahang Katoliko ay hindi dapat payagang makipamuhay sa mga non-Christian kahit pa sila ay mga magulang nito. Inilayo si Edgardo sa kanyang mga Jewish na magulang at itinira sa tahanang itinalaga para sa mga dating hindi Katoliko pero na-convert sa pagiging Katoliko. Dinadalaw lang ang bata ng mga magulang minsan sa isang linggo.
Ang sabi ng pamunuan ng Papal State, makukuha ng magulang si Edgardo kung sila’y magpapa-convert sa pagiging Katoliko. Ngunit nagmatigas ang mga magulang kaya’t nanatili si Edgardo sa kalinga ng Papa. Lumaki si Edgardo na hindi nakapiling ang mga magulang. Nang maglaon ay naging pari siya. Nang namatay si Pope Pius IX noong 1878, si Edgardo ang numero unong sumusuporta na gawin siyang santo. Ngunit tumutol ang Italian government, lalo na ang mga Jews na maging santo si Pope Pius IX dahil sa pang-aabuso raw nito sa kapangyarihan, naging kontrobersiyal kasi ang ginawa niya kay Edgardo.
May panahong lumamig ang isyu laban sa kanya kaya sa wakas ay naideklara siyang venerable ni Pope John Paul II noong 1985, unang hakbang patungo sa pagiging santo. Noong 2000 ay umakyat ang titulo niya sa beatified. Isang hakbang na lang ang hihintayin para siya maging santo.