KUNG ang hanap mo ay ang pinakamahal na tsokolate sa mundo, wala ka nang iba pang kailangang puntahan kundi ang Ecuador, kung saan ipinagbebenta ang To’ak – isang brand ng tsokolate na nagkakahalaga ng $260 (mahigit sa P11,000 kada piraso).
Ayon sa mga gumagawa ng To’ak, mahal ang kanilang produkto dahil malaki ang pinagkaiba nito mula sa ibang tsokolate. Kung ang pangkaraniwang tsokolate ay gawa sa mass produced na cacao, ang To’ak ay gawa mula sa mga pambihirang cacao beans na matatagpuan lamang sa baybayin ng Ecuador.
Pagkatapos anihin, tinutunaw ang mga pambihirang cacao beans na ito upang maging liquid chocolate na mano-manong huhulmahin upang magkorteng chocolate bar. Nilalagyan pa nila ng isang cacao bean ang gitna ng chocolate bar bilang palamuti.
May ibang chocolate bars na mas mahal sa To’ak ngunit may halong mga mamahaling palamuti ang mga ito katulad ng ginto na lubhang nagpapamahal ng kanilang presyo. Bukod sa cacao bean na nasa gitna ng chocolate bar ay wala nang iba pang palamuti ang To’ak na maaring magpalobo sa presyo nito kaya ito ang masasabing tunay na pinakamahal na tsokolate sa mundo.
Pinangalanan ng mga gumawa ang kanilang tsokolate na To’ak na ang ibig sabihin ay puno sa lengguwahe ng mga sinaunang Ecuadorian. Pinili nila ang pangalan dahil sumisimbolo ito sa pagiging natural ng kanilang produkto na hindi dumaan sa kahit ano mang planta o pabrika.