LUMITAW ang katanungang ito sa kamalayan ko nang may magtanong sa akin kung bakit may mga nagbabalak na pumunta sa Mars. Para saan daw ito?
Tinutukoy niya ang proyekto ng pribadong Dutch-based na Mars One foundation na naglalayong makapagtayo ng kolonya ng tao sa Mars sa 2025. Sa kasalukuyan, ang foundation ay nasa proseso ng pagsasala at pagpili mula sa libu-libong aplikanteng nais manirahan sa Mars. Apat ang unang papupuntahin doon at tuwing ikalawang taon ay merong susunod na bibiyahe. Tanggap halos ng lahat ng mga aplikanteng nagmula sa iba’t ibang bansa na hindi na sila makakabalik sa daigdig kung sakaling matagumpay silang makarating at magawang mabuhay sa Mars.
Kung susuriin ang pangkalahatang sitwasyon ng mundo, hindi mahirap maghagilap ng maaaring dahilan kung bakit kailangang dumayo ang tao sa ibang planeta tulad sa Mars. Wala naman kasing depinidong paliwanag ang mga sangkot sa mga space program maliban sa posibleng konklusyon na ang misyon sa Mars ay bahagi ng patuloy na pag-eeksperimento at pag-aaral ng mga scientist at ibang dalubhasa. Hindi kasi sapat na mga robot, computer at ibang instrumento lang ang pinapadayo at nagsusuri sa Mars. Mahalaga pa ring merong tao na magtutungo roon para matiyak kung maaaring mabuhay o meron talagang buhay doon.
Ang unti-unting pagkasira ng kapaligiran, polusyon at ang nagbabantang global warming ang isa sa maaaring dahilan kaya kailangan natin ng isa pang matitirhang planeta. Sa patuloy na paglobo ng populasyon, nagiging tila masikip na ang mundo at lumiliit na ang mga oportunidad sa kabuhayan, nagiging mabigat ang pangangailangan sa pagkain at tubig, at iba pa. Bukod pa ang mga kaguluhang bunsod ng mga krimen, katiwalian sa gobyerno, away o agawan sa lupa o mga teritoryo, relihiyon at kahirapan.
Pero malaking bagay kung ang mga unang taong makakatapak sa Mars ay magagawang mabuhay at makapagpasimula ng kolonya roon. Iyon ay kung makakarating sila roon nang buhay nang hindi madidisgrasya sa mahabang biyahe mula sa daigdig. Aktuwal nang malalaman ang kondisyon sa kapaligiran ng Mars nang hindi lamang sa mga computer, instrumento at robot umaasa.
Isang implikasyon lang nito na ang misyong ito sa Mars ay proyekto ng isang pribadong foundation. Hindi ito hawak o kontrolado ng anumang bansa. Kaya isang palaisipan pa kung paano pangangasiwaan o ano ang mangangasiwa sa itatayong kolonya sa Mars. Pero naroon din ang posibilidad na ang Mars One Foundation ang kumontrol at magsagawa ng mahahalagang desisyon dahil sila ang nagpasimula at naglunsad ng ganitong misyon.