SA loob ng maraming taon, ang mga estudyante ng Don AC Yulo Elementary School sa Hinigiran, Negros Occidental ay nagtiis na magklase sa labas ng silid-aralan. Sa 400 na bilang ng mga estudyante, hindi sapat ang sampung maliliit na silid na meron sila. Kinailangan ng mga guro na ganapin ang kanilang klase sa labas upang hindi mahuli sa aralin ang ibang estudyante.
“Noong nagsimula ang klase noong 2012, biglang lumobo ang bilang ng mga estudyante. Pinilit naming pagkasyahin ang 80 estudyante sa loob ng isang silid,” kwento ni Nemia Espada, Teacher-in-Charge ng Don AC Yulo Elementary School.
Dahil dito, naapektuhan ang standing ng kanilang eskwelahan sa National Achievement test (NAT).
“Mula sa 85% noong 2011, bumaba ang rating namin sa NAT naging 80.91% na lang noong 2012. Yun yung panahon na talagang nagsisiksikan ang aming mga estudyante sa klasrum,” pagbabahagi ni Espada.
Sa tulong ng “Matuwid na Daan sa Silid-Aralan” project ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), ang Don AC Yulo Elementary School ay isa sa mga pampublikong paaralan sa Negros Occidental na nakatanggap ng mga bagong silid-aralan.
Personal na pinangunahan ng PAGCOR Chairman at CEO Cristino L. Naguiat Jr. ang opisyal na pag-turn-over ng anim na silid (tatlong silid kada gusali) sa paaralan. Bukod sa Don AC Yulo Elementary School, ang PAGCOR ay nagbigay din ng two-storey, eight-classroom building sa Hinigaran National High School (HNHS).
Ang PAGCOR ay naglaan ng 13.23 milyong piso para sa pagpapagawa ng mga silid sa dalawang paaralan. Ayon kay Naguiat, ipagpapatuloy ng PAGCOR ang pagpapagawa ng mga silid, gamit ang karagdagang pondong inilaan nila para sa “Matuwid na Daan sa Silid-Aralan” project.
“Simpleng-simple lang po ang ginagawa namin para matugunan ang pangangailangan ng ating mga public schools. Sa pamamagitan ng tamang paggastos, nakapaglaan na kami ng pitong bilyong piso para sa pagpapagawa ng libu-libong silid para sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa,” aniya. Dagdag ni Naguiat, P236.27 milyong piso ang nakalaan sa pagpapagawa ng 151 na silid aralan para sa 15 lugar sa Negros Occidental at Bacolod City.
“Sa ngayon, 54 na silid na ang natapos at na-turn-over na sa limang paaralan sa Negros Occidental kasama rito ang Don AC Yulo Elementary School, Hinigaran National High School, Handumanan Elementary School, E.B. Magalona National High School at Lopez Jaena National High School. Habang ang iba pang silid ay ginagawa pa,” pagbabahagi niya.
Dahil dito, hindi maitago ng mga estudyante ang kanilang pagkasabik.
Isa ang dose-anyos na nasa ika-6 na baitang na si Jennifer Java sa mga estudyante ng AC Yulo Elementary School. Natuwa siya nang malaman niya na ang klase nila ang ookupa sa bagong PAGCOR building. “Masaya kami nang malaman namin na magkaklase kami sa PAGCOR building. Noong Grade 4 kasi ako, sa stage o di kaya sa ilalim ng puno kami nagkaklase. Hindi kami makapag-sulat sa blackboard at maingay ang mga kaklase ko kapag nasa labas,” kwento niya.
Si Jennifer ay isa sa mga atleta na nagrerepresenta sa kanilang eskwelahan sa inter-school athletic meets.Binigyang-diin niya ang importansiya ng pagkakaroon ng disenteng klasrum para sa kalidad na edukasyon. “Mas masaya mag-aral sa loob ng classroom kasi may upuan, may comfort room at presko. Salamat sa PAGCOR dahil binigyan kami ng classroom. Hindi na kami sa ilalim ng puno mag-aaral,”aniya.
Mula sa pamilya ng mga nagtatanim ng tubo (sugarcane) si Jennifer, naniniwala siya na matutupad ang kanyang pangarap na maging guro sa pamamagitan ng kalidad na edukasyon. “Importante sa akin na makapag-aral at umahon sa kahirapan para ’di na magtrabaho si mama. Ang tatay ko dati ring nagtatrabaho sa tubuhan pero tumigil na nang nagkasakit ng Tuberculosis (TB). Gusto ko ring maging teacher para mas marami pang batang Pilipino ang matuto,” kwento niya.
Samantala, pinuri ni Alejandro Mirasol — Representative ng 5th District ng Negros Occidental ang PAGCOR dahil sa kontribusyon nito sa edukasyon ng Negrense youth. Ayon sa kanya, dahil sa mga bagong silid na ibinigay ng PAGCOR, dumami ang mga estudyante na nag-enroll. “Dumami ang nag-enroll nang magkaroon ng PAGCOR buildings. Nangangako kami na tutumbasan namin ang mga naibigay ng PAGCOR,” aniya. (KINALAP NI I-GIE MALIXI)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor City State Centre Bldg. Shaw Blvd., Pasig. O mag- text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Landlines 6387285 / 7104038.
Ugaliing makinig ng CALVENTO FILES sa radyo, ang “Hustisya Para Sa Lahat” Lunes-Biyernes, 2:30PM-4:00PM at Sabado 11:00AM-12:00NN. Ang programang “PUSONG PINOY” na umiere naman tuwing Sabado, 7:00-8:00AM at makinig din kayo ng programang “PARI KO” tuwing Linggo. Mula 9:30-10:30PM kasama sina Fr. Jojo Buenafe, Fr. Jason Laguerta at Fr. Lucky Acuna dito lang sa DWIZ882KHZ, sa am band.