“HALIKAYO sa loob. Pasok!” Sabi ni Mam Violeta.
“Salamat po!” sabi ni Jo. Sumunod sila kay Mam Violeta at Noime sa pagpasok sa loob ng bahay.
Maluwang ang bahay. Kumpleto sa kasangkapan. Malinis. Maaliwalas.
Bagumbago ang itim na sopa.
“Maupo kayo!’’
“Salamat po!”
Naupo sina Jo at Princess.
Si Jo na ang nag-umpisa ng pag-uusap. Kailangang sa kanya magmula ang lahat dahil siya ang may kailangan sa mag-ina.
“Naging kaibigan ko po si Tatang Nado dahil niligtas niya ang buhay ko sa gubat,’’ umpisa niya. “Nabaril po ako ng mga kidnaper at tinamaan sa balikat. Napadpad po ako sa ilog at nasagip niya. Utang ko sa kanya ang aking buhay. Napakabuti po niya…’’
“Baka hindi mo alam ang dinanas ko kay Nado,” sabi ni Mam Violeta. “Malupit siya Lagi niya akong sinasaktan. Wala siyang awa! Pati ang aking anak pinagmalupitan niya!’’ Punumpuno ng emosyon ang boses ni Mam Violeta.
Hindi makapagsalita sina Jo at Princess. Naiintindihan nila ang damdamin ni Mam Violeta. Nasaktan ito nang labis. Napagmalupitan ni Tatang Nado.
“Kung hindi kami lumayas nitong anak ko, baka napatay niya kami. Nagpakalayu-layo kami. Isinumpa kong hindi na muling makikisama sa taong ‘yun.
“Naawa naman sa amin ang Diyos sapagkat pinagkalooban kami ng biyaya. Umasenso ang pagtitinda ko ng damit noon sa Paco Market hanggang sa makabili ako ng sariling bahay at napag-aral ko si Noime. CPA na itong si Noime. Mataas ang posisyon sa isang Accounting firm sa Makati. Nalampasan naming mag-ina ang hirap. Pagkaraan nang masamang bangungot sa piling ni Nado, nakamtan namin ang kaligayahan.
“Ayaw ko nang balikan pa ang masamang kahapon. Ayaw ko nang isipin ang mga ginawa sa akin ni Nado. Walang kasinglupit. Walang kasingsama. Wala na siyang pag-asang magbago. Hindi totoong mabuti siya gaya ng iyong sinabi. Pakitang-tao lang ‘yun.’’
“Nagbago na po siya, Mam Violeta.’’
Nagtawa ang matanda.
“Wala na siyang pag-asa, Jo.’’
“Meron po. Katunayan, isa na po siyang ermitanyo. Mag-isang namumuhay sa bundok. Doon daw po niya nasumpungan ang lahat. Nakapagsisi po siya nang labis.”
Hindi makapaniwala sina Mam Violeta at Noime sa sinabi ni Jo.
(Itutuloy)