Hindi lang halos napapansin dahil sa malalaking isyu na tinututukan sa kasalukuyan, pero hindi na rin makatiis ang marami nating kababayan sa patindi nang patinding trapik na nararanasan sa Metro Manila.
Umiiyak na ang mga motorista sa inis sa grabeng trapik na hindi maisaayos o masolusyunan.
Maaaring sa mga nakalipas na linggo o buwan ay kanila itong napagtiisan para bigyan ng kaukulang pansin ang mga maiinit na isyu sa bayan, katulad na lang ng insidenteng naganap sa Mamasapano at ang kontrobersiyal na Bangsamoro Basic law (BBL), pero nga dahil sa lalong patinding trapik , sukdulan na umano ang kanilang pagtitiis.
Noong Miyerkules sa isinagawang pagdiriwang ng EDSA People Power Revolution, naku, nawindang ang marami nating kababayan sa nangyaring trapik. Oo nga’t may abiso ang mga kinauukulan sa mga isasarang daan para bigyang daan ang pagdiriwang, hindi rin nasunod ang mga alternatibong ruta na ipinagsasara rin.
Ang nangyari daw eh, ‘total shut down’ ng mga lansangan lalu na sa kahabaan ng EDSA na nangsanga-sanga na, isipin pa ngang tanging ang eskuwelahan ang walang pasok kamakalawa, kaya ayun na-high blood ang marami lalu na ang magsisipasok sa trabaho.
Pero hindi lang noong Miyerkules, nangyayari ang ganitong katinding trapik, halos araw- araw na itong nasusumpungan, ang mahabang pasensyang baon ng mga motorista, ubos at said na, kulang na lang magwala.
Sa Maynila, grabe rin ang nararanasang trapik dito, na sinabayan pa nang pagsasara ng ilang bahagi ng Roxas Boulevard dahil sa isang aktibidad.
Isama pa ang mga hukay-hukay ng DPWH. Isama pa dyan ang sangkaterbang mga container van o truck na sumasakop na sa maraming daan. Ang mga motorista halos wala nang masulingan.
Sa kabila ng mga ito, tila walang ginagawang paraan ang mga kinauukulan. Mistulang nagbubulag-bulagan na lamang.
Ang matagal nang problemang mga truck sa Maynila, hanggang ngayon iyon pa rin ang problema walang lunas o hindi naaaksiyunan kung ano ang mabuti.
Kaya nga ang lumabas ng lansangan sa Metro Manila ngayon ay talagang kalbaryong maituturing sa marami dahil sa matindi at patindi nang patinding trapik.