Manong Wen (216)

“PARANG walang tao, Jo!” sabi ni Princess habang nakatingin sa apartment. Itim ang pintura ng gate. Mula sa kinaroroonan nina Jo at Princess ay tanaw ang pinto ng bahay.

“Kumatok tayo.’’

Lumapit sila sa gate. May door bell pala sa sulok. Diniinan ni Jo. Naghintay sila kung may lalabas.

Nagdaan ang ilang sandali. Walang lumalabas.

Diniinan uli ni Jo.

“Baka natutulog.’’

“Baka naman hindi ito ang bahay, Jo.’’

“Ito ang sinabi ng matandang napagtanungan natin. Bahay na malapit sa simbahan ng Paco. Ayun lang ang simbahan at ito ang pinakamalapit.’’

“Anong kalye ba ito?’’

“Pedro Gil.’’

“Bakit kaya wala pang lumalabas?”

“Maghintay pa tayo.’’

Maya-maya, may nakita silang papalapit sa gate.

“May papalapit, Jo.’’

“Sabi ko na sa’yo.’’

Isang matandang babae ang papalapit na mga 65-an­yos siguro. Maraming uban ang maikling buhok. Halatang maganda noong kabataan pa. Kasunod ng matanda ay isang dalaga na mga 25-anyos siguro. Maganda rin. Hanggang balikat ang buhok.

“Magandang umaga po sa inyo. Kayo po ba si Mam Violeta at Noime?’’

“Kami nga po. Sino po ba kayo?’’ tanong ng matanda.

“Ako po si Jo at Princess naman itong kasama ko. Ako po ay kaibigan ni Tatang Nado.’’

Sa narinig na pangalan ni Tatang Nado ay napakunot ang noo ng matanda. Nagta­taka. At saka napatingin sa anak na si Noime.

“Ano po ang kailangan ninyo sa amin?’’ tanong ng matanda.

“Puwede po ba kayong makausap. Mahalaga lang po.’’

Muling nagkatinginan ang mag-ina. Nag-aalala.

“Huwag po kayong ma­ngamba, Mam Violeta, Noime­, malinis po ang ha­ngarin namin. Wala po kayong­ dapat ipag-alala.’’

“Mabuti po kaming tao, Mam Violeta,” sabi naman ni Princess.

Napangiti ang mag-ina.

Binuksan ni Mam Violeta ang gate at pinapasok sina Jo at Princess.

(Itutuloy)

Show comments