KUMAIN sa isang fastfood ang matandang mag-asawa. Sa kabilang mesa ay kumakain din ang dalawang sundalo na nakauniporme pa. Medyo masikip ang kainan kaya halos magkadikit na ang likod ng matandang babae at ng isang sundalo.
Tumayo ang sundalo para kumuha ng tubig. Pagbalik ng sundalo sa upuan, habang nakatayo ito at hawak ang plastic cup na may tubig ay biglang tumayo ang matandang babae. Tsug! Tumama ang ulo ng matanda sa plastic cup sabay tapon sa bestida nito ang tubig. Naku, hiyang-hiya ang sundalo. Halos lumuhod ito sa matanda sa paghingi ng paumanhin.
“Iho, okey lang. Don’t worry. Pareho nating hindi sinasadya ang nangyari. At saka ano ba naman ’yung kaunting tubig na tumapon sa akin kumpara sa sakripisyo na iniaalay ninyo para sa bayan.”
Bago sila maghiwa-hiwalay ay naikuwento ng dalawang sundalo na pabalik na sila sa Mindanao nang araw na iyon. May mahalaga lang silang inasikaso sa Maynila kaya sila napaluwas.