… kung makakatanggap ka ng ‘ebak’ na regalo?
MAY batang kambal na magkabaliktad ang ugali. Ang isa ay sobrang optimist (laging nag-iisip ng positibo) samantalang ang isa ay sobrang pessimist (laging nag-iisip ng negatibo). Ang kambal ay ikinunsulta ng kanilang magulang sa psychologist para maging balanse ang kanilang attitude sa buhay.
Pinag-aralang mabuti ng psychologist ang ugali ng kambal. Nang sumapit ang kanilang birthday ay binigyan nito ng regalo ang kambal at pinapunta sa magkahiwalay na kuwarto para doon nila buksan ang kanilang regalo. Lingid sa kaalaman ng mga bata ay may hidden camera sa loob ng kuwarto para makita ng psychologist ang kanilang magiging reaksiyon sa mga regalong ibinigay sa kanila.
Ang pessimist ay sumimangot nang makita ang mamahaling helicopter na totoong lumilipad gamit ang remote control. “Hmp! Maliit lang ito. Mas maganda sana kung malaki ang ibinigay sa akin kagaya nang helicopter ng kaklase ko.” Pinalipad ang helicopter. “Nakakainis, sandali lang lumipad!” Maya-maya ay ibinalibag ang kawawang helicopter.
Ang optimist ay nanlaki ang mata nang makita ang laman ng kahong nakabalot na kuntodo may ribbon pa. Tuyong tae ng kabayo ang laman ng regalo. Nagtatalon sa tuwa ang bata. “Yeheeey, tae ng kabayo ang laman ng regalo ko. Ibig sabihin, ibinili nila ako ng pony (batang kabayo o bisiro)!”
Moral lesson: Walang mawawala kung laging iisiping may katapat na magandang pangyayari ang bawat pangit na nangyari sa ating buhay.