Bagamat wala pang opisyal na resulta ng imbestigasyon na inilalabas ang ibat-ibang grupong nagsagawa nang pagbusisi sa Mamasapano incident, mukhang ngayon ay unti-unti nang lumilinaw ang pangyayari.
Mistulang hindi na nga isyu rito ay ang kawalan ng koordinasyon bago isagawa ang misyon, kundi ang natutumbok talaga ay ang walang dumating na reinforcement sa ilang oras na pakikipaglaban ng mga tauhan ng SAF.
Halos mag-iisang buwan na matapos ang naganap na insidente na dito nasawi ang 44 na tauhan ng SAF na gaya noon pa man ay hustisya ang sigaw ng mga kaanak ng Fallen 44.
Lumikha ng matinding ingay ang insidente sa Mamasapano na hanggang sa ngayon nga ay hindi pa rin humuhupa ang emosyon ng maraming Pinoy.
Brutal naman kasi ang inabot ng mga SAF troopers sa naturang insidente.
Ang insidente ding ito ay masasabing nakapagpakabog mismo sa mga tao sa Malacañang.
Sa mga pahayag ng ilan nang nakusap ng mga nagsisiyasat maaga pa lamang ay sumisigaw na ng tulong ang mga naipit na SAF , pero matagal na tumakbo ang oras hanggang sa tuluyan na ngang nahuli na ang lahat. Kung bakit nagkaganun, eh wala pang makapagsabi kung ano ang naging dahilan.
Ang isyung ito ang nais na mabusisi hindi lamang ng mga kaanak ng biktima kundi ng maraming Pinoy na naghahanap ng kasagutan sa maraming tanong na hindi pa hanggang sa ngayon nabibigyan ng kasagutan.
Huwag sanang sa sinibak na SAF director mabunton ang lahat , na alam naman ng nakakarami na hindi ito kikilos kung walang basbas ng mas mataas.
Sa susunod na mga araw ay ilalabas na ang resulta ng imbestigasyon ng binuong Board of Inquiry, maging ang resulta nang pagbusisi na ginawa ng Senado, ang tanong ng marami ay masagot na kaya ang mga katanungan ukol sa kawalan ng reinforcement?
Sana matumbok na ito sa mga ilalabas na resulta ng imbestigasyon.
Ito ang patuloy nating aantabayanan.