Manong Wen (212)

“SINISISI ko ang aking sarili, Inay kung bakit iniwan si Jo,” sabi ni Princess habang nakayakap sa ina. “Sana hindi ko siya iniwan para magkasama na kami.’’

“Huwag mong sisihin ang sarili mo, Princess. Malakas ang kutob ko na buhay si Jo. Hindi siya mamamatay. Babalik siya para magpakasal kayo,’’ sabi ng inang si Diana.

‘‘Sana nga po, Inay.’’

“Bukas, kung gusto n’yo luluwas na tayo ng Maynila. Doon tayo sa condominium ko.’’

“Inay, huwag po muna tayong umalis. Kasi po baka dumating si Jo e hindi kami makita. Sigurado po na pupuntahan niya ako sa bahay. Kawawa naman siya.’’

“Sige, Princess. Ikaw ang bahala. Pero alam mo bang alam din ni Jo ang condominium ko sa Recto Avenue. Nakapunta na siya roon.’’

“Saka na lang tayo lumuwas, Inay. Saka mayroon pa po kaming klase ni Precious. Ga-graduate na po kami. Ako po’y sa kolehiyo at si Precious naman ay sa high school…’’

Napaiyak si Mam Diana.

“Patawarin n’yo uli ako mga anak. Hindi ko nasubaybayan ang pag-aaral n’yo.’’

“Inay, huwag kang umiyak. Nakalipas na iyon. Napatawad ka na namin.’’

“Salamat Princess, Precious. Mahal na mahal ko kayo.’’

Niyakap muli ni Princess at Precious ang ina.

 

ISANG araw, nagkukuwentuhan ang mag-iina sa sa salas ng bahay nang may lalaking tumawag mula sa labas. Hinahanap si Princess.

“May tumatawag, Princess,” sabi ni Mam Diana.

Nagtungo sa pinto si Princess para tingnan ang tumatawag.

Hindi siya makapaniwala sa nakita. Nananaginip na ba siya? Totoo ba ang kanyang nakikita?

Si Jo ang kanyang nakita. Nakangiti ito.

Bago pa nakakilos si Princess ay nakalapit na si Jo at nakapasok sa bahay.

“Jo? Ikaw nga ba Jo? Buhay ka?’’

“Oo. Buhay na buhay ako!’’

Sa sinabing iyon ay umiyak si Princess. Iyak ng kaligayahan dahil narito na si Jo.

Tuwang-tuwa sina Mam Diana at Precious. Salamat at ligtas si Jo.

(Itutuloy)

 

Show comments