Bagong tuklas na sombrero sa U.S., nagpapatalas daw ng isip
ISANG bagong tuklas na sombrero ng dalawang Amerikanong siyentista ang sinasabing nagpapatalas daw ng isip sa sinumang magsusuot nito.
Ang kakaibang sumbrero ay likha ng psychology professor na si Geoff Woodman at ng PhD student na si Robert Heinhart. Kapwa mula sa Vanderbilt University sa Tennessee ang dalawa.
Ayon sa kanila, gumagana ang kanilang kakaibang sombrero sa pamamagitan ng pagpapadaan dito ng napakahinang boltahe ng kuryente. Ang kur-yente ang magbibigay ng stimulation sa utak at magdudulot ng mas matalas na pag-iisip at mas mabilis na pagdedesisyon sa nagsusuot ng sombrero.
Nagawa nina Woodman at Heinhart ang kanilang kakaibang sombrero dahil natuklasan nila mula sa kanilang pag-aaral na nag-iiba ang takbo ng ating utak kapag tayo ay nagkakamali. Nalaman din nila na maaring makontrol ang takbo ng utak kung padadaluyan ito ng mahinang boltahe ng kuryente. Sa pamamagitan ng bahagyang pagkuryente, magagawang matuto ang ating utak ng mas mabilis mula sa ating mga pagkakamali kaya mas mabilis tayong makakapagdesisyon nang tama sa mga susunod na pagkakataon.
Nasubukan na nina Woodman at Heinhart ang kanilang sombrero sa limang dosenang katao at 75% sa mga ito ay nagpapakita ng mas matalas na pag-iisip matapos gamitin ang kanilang imbensyon.
Hindi pa ipagbebenta ng dalawang siyentista ang kanilang kakaibang sumbrero dahil kailangan pa nilang pag-aralan ang pangmatagalan na epekto nito sa ating mga utak upang masigurado ang kaligtasan ng mga gagamit nito.
- Latest