ILANG dekada nang gumagamit ng robot ang maraming pabrika sa iba’t ibang bansa at maging sa Pilipinas ay meron na ring ganito. Pero, ayon sa napaulat na bagong pag-aaral ng US-based na Boston Consulting Group nitong nakaraang linggo, marami pang manggagawa sa mga pabrika ang matatanggal sa trabaho sa susunod na dekada dahil mga robot na ang ipapalit sa kanila.
Bumababa raw ang halaga ng mga industrial robot kaya, ayon sa BCG, bumababa ang labor cost o gastusin ng mga pagawaan sa pagpapasuweldo sa mga manggagawa.
Ayon pa sa pag-aaral, nagagawa na ng mga robot ang 10 porsiyento ng mga trabahong magagawa ng mga makina. Tinatayang tataas sa 25 porsiyento ang bilang ng mga robot na pagtatrabahuhin sa mga pabrika. Bababa naman nang 16 na porsiyento ang labor cost. Ibig sabihin, lalaki ang pangangailangan sa mga skilled worker na maaaring magpatakbo ng mga makina pero kokonti na lang ang mga ito.
Pinag-iisapan na umano ng mga kumpanya na ipalit sa mga manggagawa ang mga robot dahil mas mura ito. Sa mga pagawaan ng sasakyan sa Amerika, ayon sa pag-aaral, ang isang robotic system na spot welding machine ay nagkakahalaga ng $8 kada oras habang ang isang manggagawa ay $25 kada oras. Bukod dito, tinatayang bababa pa nang 22 porsiyento ang gastusin sa spot welder mula ngayon hanggang taong 2025.
Nabatid din sa pag-aaral ng BCG na merong mga tanggapan sa iba’t ibang panig ng mundo na three-fourth ng mga robot installation sa susunod na dekada ang ikakabit sa: transportation equipment, automotive sector; computer and electronic products; electrical equipment and machinery.
Magiging mabagal naman umano ang paggamit ng mga robot sa mga industriyang ang trabaho ay mahirap gawing automatic o mababa lang ang gastos sa mga manggagawa tulad sa mga food product o fabricated metal. Pero, sa China, meron nang mga restawran na robot ang mga waiter na nagsisilbi sa mga kustomer.
Kabilang naman sa mga bansang malakas gumamit ng mga robot ang China, United States, Japan, Germany at South Korea. Sila ang bumibili ng kabuuang 80 porsiyento ng mga robot.