MALUBHA ang sakit ng matandang babae kaya hiniling niya sa mga anak na tumawag ng pari upang siya’y makapagkumpisal at maihanda ang kanyang kaluluwa sa nalalapit niyang kamatayan.
Pagkatapos ng kumpisal at komunyon na isinagawa sa mismong silid-tulugan ng matandang babae ay may naitanong ito sa pari.
“Father, natatakot ako. Ano kaya ang magiging kalagayan ko sa kabilang buhay?”
Nagkibit balikat ang pari. “Walang nakakaalam…”
Katahimikan. Maya-maya ay may kaluskos na narinig ang pari sa labas ng nakasarang pintuan ng silid-tulugan, kaya’t ito’y kanyang binuksan.
Ang aso pala na alaga ng pari ang kumakaluskos sa labas ng pintuan. Pagbukas ng pinto ay bigla itong humalipuypoy sa paa ng pari na para bang tuwang-tuwa at nakita niya ang kanyang master.
Kinausap ng pari ang alagang aso na parang tao habang buong pagmamahal na hinihimas ito.. “Paano ka nakasunod dito?” At saka binalingan niya ang matandang babae.
“Nakita mo ang ginawa ng aking aso? Kahit kailan ay hindi pa ito nakararating dito sa bahay mo, pero hindi siya nag-alalang pumasok nang aking buksan ang pinto… dahil alam niyang narito ako. Sana ay ganoon ka rin. Sa oras na may magbukas ng “pinto ng buhay na walang hanggan”, tanggalin mo ang iyong takot, at magtiwala na ating Panginoong Diyos ang iyong daratnan.”