MAY isang hari na pangarap magpatayo ng magandang simbahan upang patunayan niya ang kanyang dakilang pagmamahal sa Diyos. Kaya’t nang simulan ang pagpapagawa ay nag-utos ang hari sa lahat ng mga taong kanyang nasasakupan na bawal ang magbigay ng donasyon para sa pagpapagawa ng simbahan. Parurusahan ang lalabag sa ipinag-uutos. Gusto ng hari ay sa kanyang bulsa lamang manggagaling ang ipagpapagawa ng simbahan. Gusto niyang solohin ang kredito.
Pagkatapos ng mahaba-habang panahon ay natapos ang ipinagawang katedral ng hari. Sa entrance ng simbahan ay may malaking marmol kung saan nakaukit ang kumpletong pangalan ng hari at nakasaad ang mga sumusunod: “Ang hari lamang ang mag-isang gumastos sa pagpapagawa ng simbahang ito.”
Ngunit isang araw ay may pangalan ng babae na isiningit sa tabi ng pangalan ng hari. At nagbago ang nakasaad: “Kaming dalawa ang nagpagawa ng simbahang ito.”
Pinahanap ng hari ang babaeng nagmamay-ari ng pangalan upang parusahan sa kabastusang ginawa nito sa kanyang marmol. Ilang saglit pa’y nasa harapan na niya ang babae. Hindi pa natatanong ng hari ang babae ay biglang pumailanlang ang boses ng Diyos.”
“Ako ang nagsulat ng pangalan ng babae sa katabi ng iyong pangalan. Gustung-gusto ng babaeng ito na magbigay ng donasyon ngunit siya’y natatakot na parusahan mo. Upang huwag lumabag sa iyong kautusan, ang babae ang nagbibigay ng pagkain araw-araw sa lahat ng taong pinagtrabaho mo sa simbahan. Dahil sa pagkaing ibinigay niya, naging masigla ang katawan ng mga trabahador kaya mabilis na natapos at naitayo ang simbahang alay mo sa akin.”
Pinabura ng hari ang kanyang pangalan sa marmol at inilagay na lang ang pangalan ng babae. Mula pala sa kinita ng babae sa pagtatrabaho sa bukid ang ginastos nito sa mga trabahador. Samantalang ang perang ginastos ng hari ay hindi niya masyadong pinagpaguran at galing lamang sa tax na ibinayad ng mga tao. Mas karapat-dapat na parangalan ang babae kaysa kanya.