“GUSTO ko sana, bago ako mamatay ay makahingi ng tawad sa aking mag-ina,” sabi ni Tatang Nado na naging garalgal ang boses. “Hindi ko alam kung hanggang kailan ako sa mundo kaya wish ko na sana ay mapatawad.’’
Nakatingin pa rin si Jo kay Tatang Nado. Nakita niya sa ekspresyon ng mukha nito ang kaseryosohan sa sinasabi. Talagang gusto nitong makahingi ng patawad sa asawa at anak.
“Pero palagay ko mahirap nang mangyari iyon. Unang-una, hindi ko alam kung nasaan na sila. Ikalawa, buhay pa ba sila. Naiisip ko ‘yan. Kaya bahala na siguro ang Diyos kung kami ay magkikita pa. Ipinauubaya ko nang lahat sa Diyos ang mga mangyayari. Naniniwala naman ako sa himala. Ang lahat ng mga imposible ay nagiging posible sa Diyos.’’
“Totoo po yun, Tatang Nado. Gaya po ng nangyari sa akin. Imposible na akong mabuhay dahil may tama at nababad sa tubig pero nabuhay pa dahil nasagip mo. Ikaw po ang instrumento ng Diyos kaya ako nabuhay. Kung hindi mo ako nakita sa pampang ng Ilog Pola, baka patay na ako. Baka inubos na ng bayawak ang katawan ko.’’
“Walang imposible, Jo. Walang imposible.’’
“Ano po kaya at sumama ka sa akin sa pagbaba sa bayan para matulungan kitang hanapin ang mag-ina mo. Sa aking bahay sa Bgy. Villareal sa Socorro ka tumira. Nag-iisa lang ako roon Tatang Nado.’’
Napangiti ang matanda.
“Huwag na, Jo. Okey na ako rito. Masaya na ako.’’
“Kahit po sandali lang. Gusto ko lang pong makatanaw ng utang na loob, Tatang.’’
“Salamat Jo. Pero talagang okey na ako rito sa bundok. Nasanay na ako. Alam mo bang pakiramdam ko, malapit na malapit ako sa Diyos sa lugar na ito.’’
Napatango si Jo. Hindi nga siguro niya mapapapayag na sumama sa kanya ang matanda. Talagang dito ang daigdig niya.
MAKALIPAS ang ilang araw, ipinasya ni Jo na umalis na. Magaling na ang sugat niya. Wala nang sakit.
“Ihahatid kita hanggang sa may paanan. Maraming musang at kobra sa dadaanan. Baka ka makagat.’’
“Salamat po, Tatang Nado.’’
“Tamang-tama ang panahon. Maganda ang sikat ng araw. Mga apat na oras ding lakarin ang pababa.’’
Umalis na sila.
Pawang kakahuyan at damuhan ang dinaanan nila.
Muli, hinikayat ni Jo ang matanda na sumama na sa kanya pero tumangging muli.
“Maligaya na ako rito, Jo. Salamat sa anyaya mo.’’
“Hindi kita malilimutan Tatang Nado.’’
Napangiti ang matanda.
(Itutuloy)