NAGPATULOY si Tatang Nado sa pagkukuwento kay Jo ukol sa mag-ina nito.
“Hinanap ko ang aking mag-ina. Kung saan-saan ako nakarating. Maraming bayan ang aking pinuntahan. Pati sa Maynila ay nakarating ako. Pero hindi ko sila nakita.
“Sising-sisi ako. Noon ko napag-isip-isip ang mga kasalanang ginawa ko sa aking asawa. Napakasama ko!” Muli ay gustong mapaluha ni Tatang Nado pero pinigil ang sarili. Ipinagpatuloy ang pagkukuwento.
“Nang palayasin ako sa aming kuwartong tinitirahan, lalo ko nang nadama ang bigat ng mga kasalanang nagawa sa aking mag-ina. Dahil sa kasamaan ko, nawala sila sa akin.
“Hanggang sa ipasya ko na magpakalayu-layo na. Naglakad ako nang naglakad. Wala akong masulingan. Kung saan ako abutin ng gabi, doon ako natutulog. Pagsapit ng umaga, lakad na naman.
“Hanggang sa makarating ako sa gubat. Doon ko ipinasyang mamalagi. Gumawa ako ng dampa. Ang kinakain ko ay pawang prutas, buko, saging at mga balinghoy. Naisip ko, wala rin lamang akong pamilya, mas maganda nang mamalagi sa bundok. Gusto ko sa bundok na lamang mamatay.
“Sa gabi, matagal ako bago makatulog at naiisip ang mga kasalanan sa asawa at anak ko. Nasaan na kaya sila? Sana hindi ko sinaktan ang aking asawa.
“Hanggang sa mapag-aralan ko ang lahat at matanggap ang sinapit ng aking buhay. Ito na marahil ang kaparusahan sa mga nagawa kong kasalanan.
“Nagpalipat-lipat ako ng lugar sa gubat. Hanggang sa lumipas ang 20 taon. Napagsisihan ko na ang lahat. Gusto ko sana, makahingi ng tawad sa aking mag-ina.’’
Nakatingin si Jo kay Tatang Nado. Naaawa siya sa matandang nagligtas sa kanya.
(Itutuloy)