ISA sa tatlong bata sa sub-Saharan Africa ang nabubulag dahil sa kakulangan ng Vitamin A.
Dahil sa kahirapan sa Africa, lubhang kinukulang sa nutrisyon ang mga bata roon kaya naman nasa 30% sa kanila na may edad na 4 na taon ang may tsansang mabulag.
Kaya naman naisipan ng mga siyentista na gumawa ng isang klase ng saging na mayaman sa alpha at beta carotene – mga sustansya na nagbibigay ng Vitamin A sa katawan ng tao. Pinili ang saging dahil ito ang karaniwang kinakain sa Africa ngunit ang uri ng saging na tumutubo roon ay likas na mababa ang taglay na vitamin A para sa pangangailangan ng tao.
Tinaguriang ‘Super Banana’, ang bagong klaseng uri na ito ng saging ay siksik sa Vitamin A. Sinisimulan na itong subukan sa America samantalang itinatanim na rin ito sa Africa kung saan ipinamimigay ang mga pananim nito ng libre sa kondisyon na mamimigay din ng pananim ang may-ari sa kanyang mga kapitbahay. Layunin ng paraan na ito ang mabilis na pagkalat ng ‘Super Banana’ sa buong Africa pagdating ng 2020.