ISANG batang lalaki mula sa United Kingdom na dalawang taon lamang ang edad ang sinasabing pinakabatang naging miyembro ng Mensa, ang pandaigdigang samahan ng mga taong may matataas na intelligence quotient (IQ).
Ang bata na nakilalang si Adam Kirby ay tinatayang nasa 141 ang IQ. Sa sobrang talino raw ng bata ay hindi na raw kinailangan ng kanyang mga magulang na turuan si Adam sa paggamit ng inidoro dahil natuto na ito mula sa pagbabasa sa mga libro.
Kaya na rin ni Adam na mag-spell ng 100 mga salita at kabisado na rin niya ang multiplication table na karaniwang natutunan lamang ng mga bata kapag sila ay nasa elementarya na. Marami na rin siyang alam sa chemistry dahil pamilyar na siya sa periodic table at maging sa astronomy dahil natutunan na niya ang mga planeta na bumubuo ng solar system.
Hindi naman nagtataka ang mga magulang ni Adam sa kakaibang talino ng kanilang anak dahil 10 linggo pa lamang daw ito ay nakikitaan na nila ito ng mga senyales ng pagiging henyo. Kung ang ibang bata kasi ay natututo pa lamang gumapang, si Adam raw ay nagbabasa na ng libro.
Sinasabing mas mataas pa ng 10 points ang 141 na IQ ni Adam kumpara sa IQ ni US President Barack Obama at IQ ni David Cameron na prime minister ng UK.