Sa mga mahihilig mag-travel o nagpaplano ng bakasyon sa labas ng bansa, para sa inyo ang All Points Bulletin (APB) na ito.
Mag-ingat sa mga promo package na iniaalok sa mga social networking site. Marami na ang mga naloko at nabiktima.
Kung iniisip ninyong nakamura o makakamura kayo, kuwidaw! Dahil baka ang inaasam-asam ninyo na out of the country vacation, sakit sa ulo pala ang dulot.
Ito yung mga ibinibentang plane ticket na may kasama na raw na hotel accommodation at tour sa murang halaga. Ang bentahe, naka-package na kaya mas mura.
Gaya na lang ng nangyari sa isang public school teacher na si Angel. Matagal nag-ipon ng pang-bakasyon pero nadenggoy lang ng Paro Air Travel and Tours Inc. Nakita niya raw ang promosyon sa kanilang Facebook account sa internet.
Maganda raw ang package kaya niya kinagat ang alok. At para makasiguro na, agad niya itong binayaran. Mabilis namang nagpadala ng mga attachment na resibo, voucher at booking ticket ang nasabing travel agency.
Subalit, ilang araw bago ang nakatakda sanang biyahe, nag-text umano ang isa sa mga empleyado ng Paro. Hindi raw muna matutuloy ang nagkakahalagang P32,000 na package trip sa Hong Kong. Ibu-book na lang daw si Angel sa susunod na araw.
Napag-alaman ng BITAG T3 na ang Paro Air Travel and Tours Inc. ay hindi pala bumili ng totoong tiket sa airline. Pinuputakte na rin pala ito ng mga reklamo at sumbong sa social media at wanted na sa pare-parehong kaso sa Quezon City.
Paulit-ulit na babala ng BITAG, ’wag makikipag-transaksyon sa internet. Laging bida d’yan ang mga dorobo’t manggagantso, sinungaling at mga putok sa buho.
Bago bumitiw ng pera mabuting bumisita muna sa mga lehitimong tanggapan at establisimento ng mga kausap ninyo upang makasigurong hindi maloloko.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas-10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.