Manong Wen (203)

INILUTO ni Tandang Nado ang mga nahuling hipon sa ilog. Saka na lamang niya iluluto ang mga suso at pako. Kailangang makahigop ng mainit na sabaw ang may sugat na lalaki. Malalaki ang hipon na nahuli niya sa ilog. Mga 10 piraso ang hipon at masarap isigang sa dahon ng bilukaw. Sariwang-sariwa kaya masarap ang sabaw. Manunumbalik ang lakas ng lalaki kapag nakahigop ng sabaw ng sinigang na hipon. Habang niluluto ang sinigang ay nagsaing na rin ang matanda.

Tamang-tama na luto na ang sinigang at ang kanin ay napansin ni Tandang Nado na kumilos ang lalaking may sugat sa balikat. Pilit itong bumabangon.

Biglang nilapitan ng matanda ang lalaki.

“Huwag ka munang kumilos at baka magdugo ang sugat mo. Pumirmi ka lang muna sa pagkakahiga,’ sabi  niya rito.

Naalimpungatan ang la­laki at saka lamang nagbalik sa wisyo. Naghahagilap ng sasabihin. Parang matagal na nakatulog.

“Saan po ba ako naroon, Tatang?’’

“Narito ka sa Pambisan.”

“Pambisan?” Ngayon lamang niya narinig ang lugar na iyon.

“Oo. Nasa Pambisan ka. Sakop ng Pinamalayan.’’

“Paano po ako napunta rito Tatang?”

“Teka bago kita sagutin ay pakakainin muna kita. Kailangang makahigop ka nang mainit na sabaw. Ma­tagal kang nababad sa tubig. Sandali at kukuha ako nang mainit na sabaw at kanin…”

Sumandok ng sabaw at hipon ang matanda. Umu­usok. Mapulang-mapula ang mga hipon. Sa amoy pa lamang, halatang bagong huli. Sariwang-sariwa ang mga hipon. Sumandok din siya ng kanin.

Dinala iyon sa lalaki.

Ibinaba sa sahig, sa tabi ng lalaki.

“O humigop ka ng sabaw. Susubuan kita. Sumandal ka sa haligi para makakain kang maayos.’’

Tinulungan ni Tandang Nado ang lalaki para ma­kasandal sa haligi. Nang ma­iayos ay kumutsara ang matanda nang mainit na sabaw at isinubo sa lalaki. Masarap ang sabaw. Gumuguhit sa lalamunan ang asim. Sinubuan pa uli. Masarap talaga. Humahagod. Gutom na gutom siya.

Sinubuan ng kanin. Pi­naghimay ng hipon. Ma­linamnam.

Hanggang sa mabusog siya. Nanauli ang lakas.

“Paano mo po ako natagpuan, Tatang.’’

“Nanghuhuli ako ng hipon at nangunguha ng suso sa ilog ng Pola nang makita kita. Nasa pampang ka ng ilog. Palagay ko, sumabit ang damit mo sa sanga ng kahoy kaya nasa pampang ka. Kung hindi ka sumabit baka natangay ka pa at baka nasa dagat ka na.’’

“Ganun po ba?’’

“May tama ka ng bala sa balikat. Mabuti na lang at mababaw. Nakuha ko ang tingga. Gusto mong makita ang tingga. Kalibre 45 ang ginamit sa ’yo. Mabuti at di tumagos sa buto kundi’y patay ka na.’’

“Salamat po sa pagli­ligtas Tatang…’’

“Walang anuman. Ang pangalan ko ay Nado. Kung tawagin ako ay si Tandang Nado.’’

“Marami pong salamat. Binaril po ako ng mga kidnaper. Nagpatay-patayan po nang mabulagta. Nang akala ay patay na ako, iniwan ako. Gumapang po ako nang gumapang. Tumutulo po ang dugo ko sa damuhan. Hanggang sa makarating ako sa sapa. Kumapit po ako sa kapirasong kawayan at nagpaanod po ako hanggang sa mawalan na ako ng lakas at tuluyang nawalan ng malay. Yun pala, nasa ilog na ako.’’

“Nagulat nga ako nang makita ka. Akala ko patay ka na. Pero nang salatin ko ang pulso mo, tumitibok pa.’’

“Salamat po uli Tatang Nado.’’

“E ano ba ang pangalan mo?”

“Ako po si Jo.’’

(Itutuloy)

Show comments