MILF, dapat may patunayan

NALALAGAY sa balag ng alanganin ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front (MILF) matapos ang malagim na engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao na ikinamatay ng 44 na miyembro ng PNP-Special Action Force.

Sa paunang hakbang ay maaring makabawas sa tensiyon ang pagsipot ni MILF peace panel chief Mohager Iqbal sa idinaos na pagdinig sa Senado kaugnay ng Mamasapano incident.

Kahit papaano, nagpasakop na sa proseso ang MILF kaugnay ng Senate inquiry.

Gayunman, napakaraming bagay pa ang dapat gawin ng MILF upang mabalik ang tiwala ng publiko sa peace talks.

Kailangan patunayan ng MILF na sila ay sinsero sa peace talks para matamo ang tunay na kapayapaan sa Mindanao.

Halimbawa dito ay tumulong ang MILF sa paghahanap ng katarungan sa mga namatay na 44 SAF members sa pamamagitan ng pagsosoli ng mga armas at gamit ng mga ito. Isuko rin ang kanilang mga tauhan na sangkot sa Mamasapano encounter.

Dapat isuko ng MILF at hayaang managot sa batas ang kanilang mga tauhan lalo na ang mga bumaril at pumatay sa SAF members na nakita sa video na kumalat sa social media.

Kung hindi ito gagawin ng MILF, mahihirapang makalusot sa dalawang kapulungan ng Kongreso ang panukalang Bangsamoro Basic Law na pundasyon ng peace talks..

Kahit pa maaprubahan ng mga senador at kongresista ang batas na ito ay mahihirapan naman itong makalusot sa plebesito at baka matalo sa eleksiyon na magbabalewala sa nasabing usapang pangkapayapaan.

Kaya nasa kamay ngayon ng MILF na magpatunay sa kanilang senseridad upang makuha ang suporta ng publiko sa peace agreement.

Show comments