SI Chad Varah ay isang British Anglican priest sa London. Noong 1953 ay may isang 18 taong gulang na dalaga ang nagpakamatay. Ang butihing pari ang nag-asikaso ng pagpapalibing. Pinaimbestigahan niya kung ano ang nagtulak sa dalaga upang magpakamatay. Napag-alaman ng kanyang staff na ang dalaga ay walang mapagsabihan ng kanyang dinadalang problema kaya nataranta ito at nagpasyang tapusin na lang ang kanyang buhay.
Naisip ni Chad Varah na gamitin ang kaisa-isang telepono ng simbahan upang maabot niya ang mga taong nangangailangan ng makikinig ng kanilang problema. Nagpa-advertise siya sa kanilang local newspaper na bukas ang linya ng simbahan upang magbigay ng payo sa mga tao. Unang linggo pa lang ay may 27 calls na silang natanggap. Dumami nang dumami ang mga nangailangan ng kanyang payo. Naging busy ang telepono ng simbahan kaya ang ginawa ng iba ay nagsasadya na lamang sila nang personal sa simbahan upang makausap ang pari. Naisip ng pari na sanayin ang kanyang staff sa pagpapayo ng mga tao upang may makatulong siya sa pagpapayo. Dito nagsimula ang samahang The Samaritans – the world’s first crisis hotline organisation, offering non-religious telephone support to those contemplating suicide.
Maraming bansa ang gumaya sa The Samaritans. Mayroon nang Samaritans sa Hongkong, Singapore at USA. Noong 2014 ay nagkaroon na ng Samaritan sa Twitter ngunit ito ay kaagad sinuspinde. Hindi applicable sa Twitter ang Samaritans. Mabo-broadcast sa publiko ang mga problemang inilalapit sa organisasyon.