ISINALIN ni Tandang Nado ang pinakuluang dahon ng bayabas at banaba sa isang palanggana. Hin ayaan niya sa isang tabi. Dapat ay maligamgam ang tubig sa palanggana. Pagkaraan ay pumunit ng kapiraso sa laylayan ng nakasampay na puting sando. Pinagdalawa niya ang pinunit na damit. Isa ay itatali niya sa sugat ng lalaking nasa kubo at isa ay ipangpupunas niya. Inilagay niya ang kapirasong damit sa palangganang may dahon ng bayabas at banaba at saka dinala sa loob ng kanyang kubo.
Naratnan niya ang lalaking nakahiga sa sahig. May tama ng bala sa kanang balikat ang lalaki. Kanina pa niya naalis ang tingga sa balikat. Mabuti at mababaw lamang ang pagkakabaon ng tingga. Kung napalalim at tinamaan ang buto, baka namatay ang lalaki dahil sa pagkaubos ng dugo.
Ibinaba niya sa tabi ng lalaki ang palanggana. Lumuhod sa tabi nito at sinimulang alisin ang nakatapal na nginuyang dahon ng bayabas sa sugat. Wala na ang pagdugo. Naampat ng tinapal niyang dahon ng bayabas. Kailangang linisan niya ang sugat at baka maimpeksiyon.
Inalis niya ang nginuyang dahon sa sugat. Pagkatapos ay pinatakan niya nang maligamgam na tubig mula sa pinakuluang dahon. Ang kapirasong damit ang isinawsaw niya sa tubig at saka pinatak sa sugat. Ilang ulit niyang ginawa ang pagpatak hanggang sa maging malinis na malinis na ang sugat. Pagkaraan ay kinuha ang kinayod na balat ng punong langka at itinapal sa sugat at saka tinalian ng tela.
Pagkatapos ay pinunasan na rin niya ang braso ng lalaki. Puro putik ang braso at mukha nito. Napansin niyang basa ang damit na suot ng lalaki. Hinubad niya iyon. Pati ang pantalon ng lalaki ay hinubad na rin niya.
Kinuha niya ang nakasampay na damit sa labas at isinuot sa lalaki. Wala pa ring malay ang lalaki.
Nagtataka si Tandang Nado kung sino ang lalaki. Natagpuan niya ito sa pampang ng ilog. Nangunguha siya ng mga pako na isasahog sa ginataang suso nang makita ang lalaki. Akala niya’y patay na pero nang daluhan niya ay humihinga pa. May tama nga ng bala sa balikat.
Dinala niya ito sa kanyang kubo.
Palagay ni Tandang Nado ay natangay ng agos ang lalaki. At kaya nasa pampang ay napasabit ang damit sa mga tuod ng kahoy.
Nagluto ng pagkain si Tandang Nado. Magsisigang siya ng hipon na nahuli niya sa ilog. Kailangang makahigop nang mainit ang lalaki paggising nito.
(Itutuloy)