Tutok ngayon ang mga tauhan ng pulisya, partikular ang Quezon City Police sa grupo ng mga kawatan na ang target holdapin ay mga establisimento.
Kamakalawa lamang, isang Koreana ang nasawi makaraang barilin ng isang holdaper na nanloob sa isang coffee shop sa Brgy. Holy Spirit sa lungsod.
Matindi ang nangyari sa Koreana na si Mi Kyung Park, 40, na binaril ng suspect sa ulo.
Hindi alam ni Park na may nagaganap na holdapan sa Beanleaf coffee shop na kanyang pinasok. Sinalubong agad siya ng isang suspect at pilit na kinukuha ang kanyang cellphone. Nabigla ang biktima at nakipag-agawan sa kanyang gamit sa suspect na doon na siya tuluyang binaril nang malapitan.
Nakapasok sa loob ng coffee shop ang suspect na nagpanggap na kostumer. Malaki ang hinala ng pulisya na may kasama pa ito na nagsilbing look out sa labas.
Pagkapasok, tinutukan ang empleyado sa loob at maging ang ilang kostumer at nagdeklara ng holdap.
Sa tiyempong ’yon pumasok ang Koreana na walang kamalay-malay sa nangyayari sa loob na siya ring napagdiskitahan ng suspect at napatay.
Mula noong Disyembre ng nagdaang taon, hanggang kamakalawa, nakapagtala na ang pulisya ng lima hanggang anim na insidente ng kahalintulad na pangyayari, kung saan nga mga establisimento ang dinadale ng mga kawatang ito.
Malaki rin ang paniwala ng pulisya na iisang grupo lamang ang kumakana sa mga insidenteng ito.
Mistulang nauuso na naman ang mga panghoholdap sa mga restaurant o katulad na establisimento kung saan maging ang mga kostumer ay kanila ring kinukulimbatan.
Dati nang nauso ang ganitong modus, na ngayon eh muli na namang nauulit. Kaya nga masusing pagbabantay sa panig ng kapulisan ang kailangan para matunton at madakip agad ang mga ito.
Ngayon naman makikita ang kahalagahan ng mga CCTV na ikinabit ng mga negosyente sa kanilang establisimento para agad na matukoy ang mga kakana na mga kawatan.