NARANASAN ko nang mausog at makausog. Ang pinakaunang tao na nakausog sa akin ay kaibigan ng aking tatay. Minsan kasi ay dinalaw ako sa boarding house ni Tatay para dalhan ng pagkaing luto ni Nanay na uulamin ko sa loob ng ilang araw. Kasama niya ang kanyang kaibigan. Sandali lang silang tumigil sa bahay, more or less ay 15 minutes, tapos umalis na sila. Hindi pa nakakaalis ang kotseng sinasakyan nila nang biglang nagbago ang aking pakiramdam – nahihilo na masakit ang ulo. Idinaing ko ito sa aking mga kasama sa bahay. Hinipo ng landlady ang aking tenga – “Aba, malamig ang tenga mo!” Napatingin siya sa aking sentido at noo, may namumuong mga gangga munggong pawis. Lalong luminaw ang kanyang hinala – “Ay! Usog ’yan!” Lumabas siya ng bahay. Nakitang hindi pa nakakaalis ang kotse. Lumapit siya sa aking tatay at sinabihang bumaba ulit silang dalawa. “Isa sa inyo ang nakausog kay __. Lawayan n’yo muna bago kayo umalis.”
Kung susundin ang nakaugalian, sa tiyan dapat lawayan pero hindi naman tiyan ang sumakit sa akin. Kaya sa braso na lang ako nagpalaway. After 2 or 3 seconds, guminhawa ang aking pakiramdam. Nawala ang lamig sa aking tenga at huminto ang pagpapawis sa aking noo. Iyon nga lang, hindi matukoy kung sino ang salarin dahil sabay nila akong nilawayan.
Although, “unhygienic” ang pagpahid ng laway, hindi maitatanggi na effective ang paraang ito. Sa aming probinsiya, kapag binati ng isang tao ang magandang gupit halimbawa ng kanyang kausap, laging may kasunod na – puwera usog – ang sentence, upang makaseguro na hindi niya mauusog ang binati. Pangkaraniwang sinasabihan ng puwera usog ang mga sanggol na binabati ng matatanda. Mahina pa raw ang kanilang naturalesa kaya kailangang magpasintabi ang mga nambabati sa pamamagitan ng pagsambit ng – Puwera usog!
Noong isang araw ay dumalo kami sa binyagan. May binati kaming kakilala. Pagkaraan ng ilang minuto, lumapit ito sa aking ina. Parang nahihiya pa siyang nagpaliwanag na kung puwede raw makiusap na lawayan siya ng aking ina.
“Pagkatapos n’yo pong batiin na buntis pala ako, nagsimula na pong bumigat ang aking pakiramdam. Medyo sumakit po ang aking tiyan. Pero hindi kaagad ako makalapit sa inyo. May tao pong hindi naniniwala sa usog. Baka po ako maka-offend. Pero pinagpapawisan na po ako ng malamig.” Sinagot siya ni Nanay na naniniwala kami sa usog kaya wala siyang dapat ihingi ng paumanhin.
Hinipo ni Nanay ang tenga ng kausap. Nadama niya ang lamig nito. Nagpunta sila sa comfort room at doon nilawayan ni Nanay. Sumunod ako. Naisip kong magkasunod kaming bumati sa kanya kaya nilawayan ko na rin siya. Naawa ako. Buntis pa naman.
After one minute, tinanong ko ang buntis, “Kumusta ang pakiramdam?”
Nakangiting sumagot sa akin, “Gumaan na ang pakiramdam ko. Thank you ho sa inyo.”
Nang kami na lang mag-ina ang nag-uusap, sabi ko: “Inay malakas ang pakiramdam ko na ikaw ang nakausog. Kasi nga, ikaw ang bumati na buntis pala siya, samantalang ako ay nakipag-shake hands lang sa kanya.”
Hanggang sa makauwi kami sa bahay, iniisip ko pa rin ang tungkol sa usog. Tungkol ba ito sa energy ng ating katawan? Mas malakas kaya ang energy ng nakausog kaya nagdulot ito ng masamang pakiramdam sa kanyang nausog? Or, incompatible ang kanilang energy, kaya nagkausugan? Paano kaya ipapaliwanag ng science ang tungkol sa usog?