“H INDI ko dapat iniwan si Jo, Manong Diego. Kawawa naman siya!” Sabi ni Pirncess at umiyak.
Awang-awa si Diego.
“Huwag kang mag-alala Princess at bukas ay ipagpapatuloy ko ang paghahanap kay Jo. Babalik ako sa lugar na kinakitaan ko ng mga patak ng dugo at magbabakasakaling hanapin siya roon. Kapag hindi ko pa siya nakita, ang sapa naman ang aking sasaliksikin at bakasakaling naroon siya. Susundan ko ang haba ng sapa hanggang sa makarating sa ilog at maski sa dagat. Kung wala pa siya roon, sa isa pang ospital na ako pupunta at bakasakaling naroon siya. Hindi ako titigil hangga’t hindi siya nakikita. Kaya baka mawala ako ng ilang araw.’’
“Marami pong salamat Manong Diego. Bibigyan po kita ng pera para magamit sa paghahanap kay Jo. Baka po matagal bago ka makabalik.’’
“Sige Princess. Baka nga abutin ako ng ilang araw. At siya nga pala, bigyan mo ako ng retrato ni Jo para madali ko siyang makilala. Hindi ko pa kasi siya nakikita nang personal.’’
“Opo Manong Diego. Bibigyan po kita. Madali lang po siyang makilala.’’
“Okey sige. Siyanga pala, kumusta na si Mam Diana. Maaari na ba siyang makausap?”
“Nagmulat na po siya at ngumiti na sa amin ni Precious pero hindi pa nakapagsasalita. Sabi po ng doktor baka abutin pa ng isang linggo bago makapagsalita.’’
“Salamat naman at nakita na kayo. Ngumiti na pala. Palagay ko, mabilis na ang paggaling niya.’’
“Iyan po ang dasal namin ni Precious.’’
KINABUKASAN, nagbalik si Diego sa lugar na kinakitaan ng mga patak ng dugo. Hindi na siya nagdala ng sasakyan. Baka sakaling makita na si Jo. Pero wala talaga.
Tinungo naman niya ang sapa. Sasaliksikin niya ang kahabaan ng sapa at baka naroon si Jo.
Sa pampang ng sapa siya naglakad. Nakikita niya mula roon kung may tao sa sapa. Wala siyang makita. Hanggang sa sumapit sa ilog. Wala rin. Pagkaraan ng ilang oras na paglalakad, narating niya ang bukana ng dagat. Hindi niya nakita si Jo.
Inabot siya ng dalawang araw sa paglalakad.
Ipinasya niyang sa ospital na hanapin si Jo. Kapag wala pa siyang nakita sa ospital, sa ibang lugar naman siya magbabakasakali.
Tinungo niya ang ospital. Nagtanong siya sa information kung may pasyente roon na nagngangalang Jo.
Wala raw. Inilabas niya ang retrato ni Jo at ipinakita sa babae. Tinitigan.
(Itutuloy)