‘Road rage’
PAPASOK na ang tag-araw. Panahon kung saan tumataas ang insidente ng road rage sa lansangan.
Road rage ang tawag sa bayolenteng reaksiyon ng mga motorista tulad ng pagmumura, pangungutya, pananakit at ang masahol, pagpatay sa kapwa motorista. Ang dahilan, nagkalamangan, nagkagitgitan o nagkaungusan sa trapiko.
Maraming sanhi o factor kung bakit ang isang indibidwal nagiging road rager. Andyan ang problema sa pamilya, problemang-pinansyal, emosyunal, problema sa trabaho, kulang sa sapat na pahinga at mga katulad nito.
Idagdag pa dito ang lumalalang transport system o kalagayan ng trapiko sa bansa. Padami ng padami ang sasakyan pero ang lansangan hindi lumuluwang.
Sabayan din ng mainit na klima o panahon. Kaya ang epekto, pagkamainitin ng ulo o pagiging bugnutin ng sinumang may hawak sa manibela.
Nito lang nakaraang taon, maraming mga insidente ng road rage ang naitala. Ang sangkot, mga “tarantadong” motorista na nauwi sa pagkamatay ng ilang biktima. Tarantado ang tawag doon sa kanilang pinaggagagawa, hindi sa kanilang pagkatao.
Sila ang mga kumag, kenkoy at kolokoy na nakahawak lang ng manibela, akala ang pagmamaneho karapatan at hindi isang prebilehiyong ipinagkaloob sa kanila ng estado.
Ang masahol pa, kung sino pa ang bastos, balasubas, kulebra kung magmaneho, sila pa ang siga. Na kapag naispatang lumabag sa batas-trapiko, sila pa ang may ganang magalit at manakit ng tao.
Kung aanalisahin ang totoong ugat ng problema, kahinaan ng batas ang dahilan kung bakit marami ang mga putok sa buho sa lansangan. Kung hindi may kaya, may sinabi sa buhay, pulitiko o ‘di naman kaya may katungkulan sa gobyerno na nag-aastang akala mo kung sino.
Hangga’t mahina ang batas at ang pagpapatupad ng batas laban sa mga road rager, marami pa ang mga mang-aabuso at aabusuhin sa lansangan.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas-10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.
- Latest