NAGPAHAYAG na ng kahandaang sumuko o tuluyan nang paglutang si Cezar Mancao na tumakas sa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI) at nagsabing handa na siyang magsabi ng buong katotohanan.
Sa ilang interview kay Mancao, humingi ito ng paumanhin kina dating Sen. Panfilo Lacson at Manila Mayor Joseph Estrada matapos niyang isabit sa Dacer-Corbito double murder case.
Sa kanyang lintaha, ayaw umano niyang magaya kay Marwan na namatay habang nagtatago.
Humingi siya ng tawad sa dati niyang mga boss sa Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF).
Si Lacson ay una nang pinawalang-sala ng Court of Appeals (CA) at ng Supreme Court sa Dacer-Corbito case na isinangkot ni Mancao.
Si dating Senior Supt. Michael Ray Aquino na isinangkot din niya sa kaso ay ipinag-utos din ng hukuman na palayain.
Ibinunyag din ni Mancao na prinessure lamang siya ng ilang opisyal sa nakaraang admi-nistrasyon na isangkot ang ilang personalidad sa kaso.
At bago may mangyari sa kanyang masama, eh magsasabi na siya ng katotohanan at humingi ng kapatawaran sa mga taong kanyang nasagasaan.
Biglang-biglang nabago ang ihip ng hangin kay Mancao. Kung noon tumindig siya sa kanyang mga pahayag sa pagkapaslang kina ‘Bubby’ Dacer at sa driver nitong si Emmanuel Corbito noong 2000. Ngayon naman puring-puri niya ang kanyang mga dating bossing.
Kung hihingi siya ng kapatawaran, dapat mas humingi siya ng tawad sa pamilya ng dalawang napaslang na lalong lumabo ang kaso.
Hindi kaya may hidden agenda sa kanyang paglutang?
Paano na niya ngayon titindigan ang kanyang kredibilidad, may maniwala pa kaya sa kanya ngayon?