Pagbabalik-daigdig
KUNG sakaling makatira ka sa Mars at magkaroon ng pagkakataon, babalik ka pa ba sa pinagmulan mong daigdig?
Isa ito sa tinanong ng mga interviewer ng pribadong Mars One Foundation noong nakaraang buwan sa isa sa mga Pilipinong kandidato sa listahan ng mga aspiranteng astronaut na pipiliing unang maninirahan at magtatayo ng kolonya sa Mars.
Malalim na tanong na, bagaman hindi naman ito lang ang sukatan para mapasama sa unang kolonya ng tao sa Mars, umuungkat ito sa maraming bagay at usapin na may kinalaman sa daigdig. Tanong na maaaring kabitan ng isa pang tanong na “Bakit gusto mong lisanin ang daigdig?”
Naisagot ng naturang Pilipino na hindi na siya babalik dahil wala pang teknolohiya na magagamit para makabalik sa daigdig ang sino mang tao na magtutungo sa Mars. Nakadama umano siya ng panlulumo pagkatapos niyang masagot ang tanong dahil siguro walang katiyakan kung tama ang kanyang sagot.
Mahigit 200,000 tao mula sa iba’t ibang bansa ang nagsumite ng aplikasyon nang simulan ang rehistrasyon noong Abril 2013 ng Mars One, isang non-for-profit foundation na nakabase sa The Netherlands at aktibong kumikilos sa pagtatayo ng permanenteng kolonya ng mga tao sa planetang Mars. May 15 Pilipino ang kabilang sa mga aplikante, batay sa huling ulat. Sa 200,000 na sinalang na aplikante, umaabot sa mahigit 700 ang natitira.
Pero, ayon naman sa isa sa mga kandidato, hindi sila grupo ng mga tao na hindi kuntento sa buhay sa daigdig. Karamihan sa kanila ay mga propesyonal tulad ng piloto, inhinyero, duktor at mga researcher ng NASA na naniniwalang posibleng maisagawa ang pagtatayo ng kolonya ng tao sa Mars ng kasalukuyang henerasyon.
- Latest