NOONG panahon ng pamumuno ni Mao Zedong, sobrang dumami ang tao sa China na naging sanhi ng kagutuman at kamatayan ng maraming mamamayan. Namatay si Chairman Mao noong 1976. Pagsapit ng 1980, naisipan ng bagong pamunuan ng Communist party na kontrolin ang paglaki ng populasyon sa pamamagitan ng pagsasabatas ng one child policy. Ang exempted sa one child policy ay mga parents na naging solong anak. Pinapayagan sila ng gobyerno na magkaroon ng dalawang anak.
Isang taon pagkaraang bigyan ng permiso ang mag-asawa mula Xuzhou city na magkaroon ng dalawang anak, nabuntis ni Mr. Wang si Ms. Xiao sa ikalawang pagkakataon. Bukod sa dahilang solong anak si Ms. Xiao, umasenso ang negosyo ng mag-asawa. Nakita ng gobyerno na kaya nilang bumuhay ng dalawang anak.
Ayos na sana ang takbo ng kanilang buhay maliban lang sa pagmamarakulyo ng kanilang panganay na babaeng si Wen-Wen, 13 years old. Ayaw niyang magkaroon ng kapatid. Period. Noong una ay pawang pananakot sa salita ang ginagawa ni Wen-Wen para ipadama ang kanyang pagpoprotesta: Kesyo hindi na siya papasok sa iskul, kesyo tatalon siya mula sa buil-ding, kesyo maglalayas siya. Hindi sineseryoso ng mag-asawa ang pananakot ng anak. ‘Ika nila, lilipas din ang “topak” nito.
Habang lumalaki ang tiyan ni Xiao, lalong gumagrabe ang pagluluka-lukahan ni Wen-Wen. Tinotoo niya ang hindi pagpasok sa iskul. Hindi rin siya kumuha ng middle school examination. Bale, examination ito para makapag-enrol sa high school. Hindi nito palalampasin ang isang araw na hindi maghahagis o maninira ng gamit sa loob ng bahay. Hanggang isang araw, habang nililinis ng ina ang kuwarto ng anak, nakita nito ang itinatagong mga blade. Nang kausapin nito ang anak, nabisto niyang pulos hiwa ng blade ang braso ng spoiled brat na anak. Nangilabot ang ina sa ideyang puwedeng totohanin ng anak ang pagpapakamatay.
Nag-usap ng masinsinan ang mag-asawa at isang malungkot na desisyon ang kanilang ginawa: Ipinalaglag ang bunsong ipinagbubuntis para sa ikatatahimik ng kanilang panganay.