EDITORYAL- Pabuya kay ‘Marwan’, ibigay sa mga naulila ng SAF

NAGPOSITIBO ang DNA (deoxyribonucleic acid) Test sa napatay na teroristang si Zulkipli bin Hir alias Marwan. Nag-match ang kinuhang sample sa kapatid nitong nakakulong sa US. Ayon sa Federal Bureau of Investigation (FBI), magsasagawa pa ng mga test at analysis sa sample.

Napatay si Marwan ng Special Action Force (SAF) police commandos noong Enero 25 sa Mamasapano, Maguindanao. Nilusob ng may mahigit na 300 commandos ang lugar na pinagtataguan ni Marwan at isa pang wanted na teroristang si Usman. Si Marwan ay isang Malaysian bomb expert samantalang si Usman ay Pinoy na nagsanay sa paggawa ng bomba. Nakatakas si Usman.

Ang pagkakapatay kay Marwan ay nagbuwis naman ng 44 na buhay ng SAF. Ang unang team ng SAF ang nagsagawa ng assault sa pinagtataguan ng mga terorista at ang ikalawang team ang blocking force. Pero nagipit ang blocking force at napalaban nang husto sa napakaraming MILF at BIFF. Wala silang matakbuhan sapagkat napapaligiran ng ilog. Brutal ang pagpatay sa 44 sapagkat kahit nakalugmok na ay binabaril pa. Kinuha pa ang mga baril, cell phone, combat boots at uniporme.

Napatay si Marwan subalit maraming buhay ang kapalit. Hindi rin naman masasabing nasayang ang buhay ng 44 sapagkat napatay ang terorista na may patong na $5 milyon sa makakahuli, patay o buhay. Bukod sa $5 milyon, may reward din ang Philipping government na P7.4 milyon. Ang sabi, mapupunta raw sa impormante ang reward money.

Pero nagkakaroon ng kaguluhan sapagkat hindi matiyak kung sino ang impormante. Totoo bang siya ang nagbigay ni info?

Mas maganda kung ibigay sa mga naulila ang reward money. Hatiin sa lahat nang SAF members na nagsagawa ng operasyon. Para naman maibsan ang pagdadalamhati ng mga naulila.

Show comments