Hindi maalis-alis ang init ng ulo at matinding emosyon ng marami nating kababayan kaugnay sa naganap na Mamasapano incident kung saan 44 tauhan ng PNP-SAF ang nasawi.
Ito ay sa kabila nang samu’t-saring ayuda na inalok ng pamahalaan sa mga naulila ng ‘Fallen 44’ at sa pangakong pagsasagawa ng masusing imbestigasyon.
Matindi ang kanilang ngitngit, dahil na rin sa pangyayaring sa kasaysayan ng SAF, ang insidenteng ito sa Mamasapano ang tumatak dahil ito ang pinakamaraming bilang ng nasawing miyembro sa isa lamang insidente na ilang oras lamang ang itinagal.
Marahil hanggat hindi nasasagot ang mga katanungan sa madugong pangyayari, hanggat walang napapanagot ukol dito eh hindi pa siguro mapapawi ang masidhing emosyon ng nakakarami.
Kahapon inihayag ng DOJ na bubuo na rin sila ng probe team para magsiyasat sa naturang insidente. Utos daw ito ni PNoy.
Bukod pa ito sa nauna nang binuong board of inquiry, wala pa rito ang inihihirit na Truth Commission at mga pagbusisi na isasagawa sa Senado.
Ito ngayon ang lalung nagpapalito sa marami.
Parami nang parami ang nag-iimbestiga.
Malamang na iba-iba rin ang ilalabas na resulta.
Ngayon, sino na ang dapat paniwalaan?
Matindi pa rin ang mga katanungan na sa isasagawa naman kayang pagsisiyasat eh walang ililigtas. Buhat sa pinakababa hanggang sa pinakataas.
Mismong ang Pangulo na rin ang nagsabi ‘truth shall set us free’.
Kaya nga ang dapat ‘truth, the whole truth and nothing but the truth’ lang ang maghari sa mga isasagawang imbestigasyon.