KAHIT anong puna ang gawin ng maraming tao sa lalaking minamahal mo siya pa rin ang iyong papanigan at paniniwalaan dahil hawak niya ang puso mo. “Pinatawad ko na siya minsan hindi ko akalaing gagawin pa rin niya ulit ito sa akin,” wika ni Leny. Taong 2007 nang makilala ng ‘accountant’ na si Leny Chan, 36 taong gulang, nakatira sa Manila ang isang Ma. Cristina “Tina” Legazpi. “Pareho kaming nagtatrabaho sa Puregold. Nagsimula ako dun Marso 2005,” kwento ni Leny. Nang dumating ang taong 2008 pansamantalang inilagay sa Quezon Ave. Branch si Leny dahil nanganak ang kanilang ‘service assistant’ doon. Naging malapit sila dun ni Tina, mabait daw ito at marunong makisama. Palagi din daw itong nagtetext sa kanya ng mga ‘quotes’. Dalawang buwan si Leny sa nasabing branch at bumalik na sa head office. Nagsimula silang maging magka-text mate. Sa dalas ng kanilang pag-uusap naging malapit sila sa isa’t-isa hanggang sa naging magkarelasyon noong May 2009. “Tuwing Sabado nagkikita kami dahil kalahating araw lang ang pasok namin. Tulungan kami kapag kailangan niya ng pera humihiram siya sa ‘kin. Isang libo hanggang dalawang libo,” pahayag ni Leny. Nang makakita ng mas magandang trabaho si Leny ay umalis na siya sa Puregold. Pagtuntong ng taong 2012 lumalaki na ang hinihiram sa kanya ni Tina hanggang sa may negosyo itong ialok. Pero nitong Enero 2014 iba na ang kanyang inilalapit kay Leny kinukumbinsi siya nitong mag-invest siya sa financing. Paliwanag pa sa kanya kikita ang kanyang pera ng 15% bawat buwan. Makukuha niya ito tuwing matapos ang anim na buwan. “Pumayag ako at naglabas ng Php170,000. Galing sa mama ko ang perang yun para pangnegosyo. Nagdagdag pa ako ng nagdagdag ng capital hanggang umabot na ng Php280,000. Pagdating ng Hunyo kumita na daw at pinaikot na lang ang pera,” salaysay ni Leny. Makalipas ang anim na buwan kinukuha na ni Leny ang dapat ay kikitain niyang interes ngunit sagot sa kanya ni Tina hindi pa daw nagbabayad ang mga nanghiram. Nang hindi maibigay ni Tina ang pera ni Leny umamin umano itong si Tina na siya lang talaga ang gumamit ng pera. Tinatanong ni Leny kung saan niya dinala ang pera ngunit ayaw na nitong kumibo. “Sa tawag niya lang yun inamin. Inisip ko na baka ipinambayad niya sa iba niyang utang. May naririnig na kasi ako na nanghihiram siya ng pera sa iba,” wika ni Leny. Mula nun hindi na sila gaanong nagkikita dahil nalaman ni Tina na may ‘colon cancer’ ang kanyang ama. Binigyan ni Leny ng huling pagkakataon si Tina sa pag-aakalang hindi niya nagalaw ang unang perang ininvest niya dito. Disyembre 2014 kukunin na dapat ni Leny ang pera. May pinagbilinan daw si Tina nito at nagbigay pa ng cellphone number ng tao para makausap ni Leny. Tinetext naman ito ni Leny. “Sabi pa niya kay Mitch dun ko hingin ang loan ng branch at kay Jon naman ang interest. Kaibigan ko sa Facebook si Mitch minsan nagchat ako sa kanya,” ayon kay Leny. Tinanong ni Leny si Mitch kung kumusta ang pinapasingil nito sa kanya. Agad sumagot si Mitch na wala itong alam tungkol dito at hindi sila nagkakatext. Nagtaka si Leny dahil kakatext niya lang dito at maayos naman ang naging uspan nila. Inalam ni Leny ang numero ni Jon para ito naman ang makausap. Wala daw ibinibigay na pera sa kanya si Tina. “Tinawagan ko si Tina. Inamin niya na siya lang talaga ang nakakausap ko sa text,” salaysay ni Leny. Mula nung araw na yun ipinagpalagay na ni Leny na hiwalay na sila ni Tina dahil ilang beses siyang naloko nito. Ayon pa daw dito babayaran daw siya nito. “Kinontak ko ang tiyahin niya na taga ibang bansa. Umuwi lang dito sa Pilipinas para magbakasyon. Nagkita kami kasama ang kuya niyang si Ryan,” wika ni Leny. Ibinigay ni Leny ang kwenta ng lahat ng nakuha ni Tina sa kanya kasama ang interes. Umaabot ito ng mahigit isang milyon. Hindi daw nito kayang bayaran at magbigay daw siya ng computation na walang interes. “Php280,000 ang nailabas kong pera pero Php611,800 lahat dapat niyang bayaran. Ang ilan dito may interes pa. Nagkaroon kami ng usapan na magpapaunang bayad sila ng Php50,000 pero sa telepono lang yun,” kwento ni Leny. Naniguro si Leny at nanghingi ng Post Dated Cheque. Sagot sa kanya ng kuya nito “Wala ngang pambayad si Tina! Kung ayaw mo ng naging kasunduan magdemanda ka.” Bumalik na ng Saudi ang tiyahin ni Tina at tuwing tatawagan niya naman ito ay hindi nito sinasagot. PARA SA ISANG patas na pamamahayag tinawagan namin si Tina sa ibinigay na numero ni Leny. Tumanggi siyang magsalita sa radyo ngunit ayon sa kanya nagkaroon na daw ng usapan sina Leny at ang Kuya niya. Talagang hindi niya kayang bayaran si Leny. “Para naman kaming walang pinagsamahan, bakit kailangan pang idaan sa media,” wika nito. Sinubukan namin siyang tawagan ulit upang makuha ang ilang detalye at kanyang panig ngunit hindi na siya sumasagot. Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Leny. SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, in denial o hindi makapaniwala itong si Leny na may pag-ibig na namagitan sa kanila. Marami sa ating mga kaibigang tomboy o mga bakla na harap-harapan na silang ginagatasan kusang loob naman nilang pinapayagan ito. Ang tanong kung mahal mo ba talaga ang karelasyon mo, kukuwartahan mo ba ito? Sa ganang amin, sa maliliit na halaga maaaring mapalampas ito ni Leny. Regalo, pang shopping, pamasyal ang mga inaabot niya subalit nung nagyaya na itong si Tina na maglabas ng malaking halaga dapat nag-isip na siya. Anong ginawa niya pati pera ng kanyang ina at kapatid na ibinigay sa kanya ipinagkatiwala niya kay Tina sa isang negosyong hangin. Nakakalula ang kikitain ni Leny sa alok nitong si Tina at sa bandang huli ng maipit na inamin niyang siya lang ang gumastos ng pera. Naging uso ito noon at ang tawag dito ay ‘pyramiding’ kung saan uutang ka sa isang tao at kapag oras na magbayad hihiram ka sa iba para panakip dito. Magpapaikot ka ng pondo galing sa ilang tao at parang rigodon mo silang babayaran. Marahil lumakas na ang kutob nitong si Leny kaya hinihingi niya na ang kanyang pera. Hindi talaga maiibigay sa kanya ng isang buhos nitong si Tina ang kabuuan. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor City State Centre Bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.