NAGULAT ang mga kidnaper sa pagsulpot ng lalaki na walang iba kundi si Jo.
“Ako ang harapin n‘yo mga duwag!” Sabi nito at iwinasiwas ang hawak na mga arnis. Lumikha ng tunog ang pagwasiwas.
Nabuhayan naman ng loob sina Princess at Precious. May magtatanggol na sa kanila. Hindi sila pababayaan ni Jo.
Pero hindi natinag ang dalawang kidnaper sa pagsulpot ni Jo.
“Sino kang hayop ka?” Tanong ng isa sa mga kidnaper.
“Akala mo siguro uubra sa tingga ang arnis mo!”
“Kung gusto mo pang mabuhay, mabuti pa umalis ka na at baka pakainin kita ng bala. Alis!”
Pero sa halip na sumunod si Jo, sinalakay niya ang dalawa. Mabilis ang pagdaluhong niya. Pinalo niya ang may hawak kay Princess at tumilapon ang baril. Nabitawan nito si Princess.
Sunod na hinataw ay ang nakakubabaw kay Precious. Sapol sa likod. Aringking sa sakit. Napahiga sa damuhan. Dahil doon nakaalis si Precious sa pagkakakubabaw ng kidnapper. Pero hindi nabitiwan ang baril.
Agad na sumigaw si Jo kina Princess at Precious na tumakbo na ang mga ito.
“Takbo na kayo bilis. Dito sa gawi rito ang kalsada! Malapit na rito! Ako na ang bahala sa sarili ko.”
Agad na tumakbo sina Princess at Precious. Walang puknat.
“Dali, Precious! Kailangang makalayo tayo rito!”
“Oo Ate.’’
“Dito raw ang kalsada. Malapit na raw dito!”
Tinungo nila ang itinuro ni Jo.
Samantala, patuloy na nakipaglaban si Jo sa dalawang kidnappers. Ibinuhos na niya ang lahat nang lakas para matalo ang mga kidnapper. Sunud-sunod niyang hinataw ang mga ito. Grabeng tinamaan ang isang kidnaper at hindi na ito nakabangon. Parang katawan ng saging na bumagsak.
Ang isa man ay bumagsak din dahil sa dami ng tama.
Saglit na nalingat si Jo. At hindi niya napansin nadampot na ng isang kidnaper ang tumilapong baril.
“Patay ka ngayon! Um! Um!”
Umalingawngaw ang mga putok.
Tinamaan si Jo!
Narinig nina Princess ang mga putok.
“Ano yun Ate?’’
Gimbal si Princess. Baka binaril si Jo.
“Anong gagawin natin Ate?”
“Babalik ako! Kailangan ni Jo ang tulong ko!”
“Huwag Ate. Baka mapahamak ka! Armado ang dalawang kidnaper.”
“Paano si Jo?”
“Kaya naman niyang ipagtanggol ang sarili.”
(Itutuloy)