SIGURO naman ay nakatikim ka na ng Graham crackers. Kung tutuusin ay mas malapit ang lasa nito sa cookies dahil matamis ito. Ang crackers ay maalat. Ang lasa ng original Graham Crackers ay matabang. Bahagya mong malalasahan ang alat. Ito ay dahil healthy food ang turing sa Graham crackers kaya dapat ay walang ingredient na makakasama sa katawan.
Inimbento ito ni Reverend Sylvester Graham, isang Presbyterian minister, noong 1829. Ang original recipe ng Graham crackers ay gumagamit ng graham flour — kombinasyon ng puting arina at wheat bran at germ na mataas sa fibers upang mabilis matunaw sa tiyan matapos kainin. Ang pagiging sakitin ni Graham ang isang dahilan ng pag-imbento sa Graham crackers. Ayon sa kanyang teorya, ang ugat ng kalibugan at sakit ng tao ay mga unhealthy foods kagaya ng karne, fats, alcohol, asukal, asin, condiments and spices. Ang kalibugan daw ang pinagmumulan ng kaguluhan sa pamilya.
Ang dapat kainin ng tao ay purong gulay, prutas at graham crackers upang makamtan ang magandang kalusugan at maayos na pamilya. Masama rin daw kumain ng tinapay. Ang lahat ng ito ay itinuturo niya kapag siya ay nagle-lecture sa iba’t ibang lugar. Dito nagalit ang mga magtitinapay at magkakatay ng karne. Sinisira raw ni Graham ang kanilang negosyo. May pagkakataong kailangang magsama ng pulis ni Graham habang nagsasagawa ng lecture sa mga tao sa takot na sugurin siya ng may-ari ng meat shop at bakery.
Isa sa naimpluwensiyahan niya ay ang spiritual leaders ng Seventh Day Adventist church na sina Horace Greeley at Mother Ellen Harmon White. Ang malungkot, hindi na napakinabangan ni Graham ang mga teorya niya tungkol sa healthy foods dahil sa edad na 57 ay namatay siya. Magkaganoon pa man, may naiwan naman siyang pagkain na dinadala ang kanyang pangalan—Graham crackers.