MAHIHILIG ang mga taga-Texas sa barbecue kaya hindi na nakakapagtaka na matatagpuan sa nasabing US State ang pinakamalaking barbecue grill o ihawan sa buong mundo.
Ang ihawan, na pinangalanang ‘Undisputable Cuz’, ay may habang 75 talampakan at may bigat na 40 tonelada. Sa sobrang laki ay kinakailangan na isakay ito sa isang 22-wheeler truck para lamang mailipat ng puwesto.
Kaya ng higanteng barbecue grill na mag-ihaw ng apat na toneladang karne ng sabay-sabay sa 24 na magkakadikit na grills nito. Bukod sa ihawan ay may sarili rin itong walk-in refrigerator kung saan puwedeng pagpalamig ng beer na madalas na kapares na inumin ng mga pagkaing inihaw. Sa kabila ng laki nito ay matipid ang ‘Undisputable Cuz’ sa uling o kahoy na panggatong.
Ang higanteng ihawan ay pag-aari ni Terry Folsom at nabili niya ito mula sa isang negosyante. Hindi naman sang-ayon ang asawa ni Terry sa pagbili niya sa ‘Undisputable Cuz’ kaya ngayon ay ipinagbebenta na niya rin ito sa halagang $350,000. Hindi pa kasama sa nasabing presyo ang truck na magkakarga ng dambuhalang ihawan na nagkakahalaga naman ng $50,000.