MAHIRAP kung tutuusin ang pagta-type gamit lamang ang isang kamay kaya naman nakakamangha ang isang 21-anyos na babae sa China na nagsusulat ng nobela gamit lamang ang kanyang kaliwang paa. Ang paa ang ipinangta-type sa kanyang computer.
Ipinanganak na may cerebral palsy si Hu Huiyuan kaya paralisado ang kanyang buong katawan maliban sa kanyang ulo at kaliwang paa. Hindi naman ito nakapigil sa kanya para subukang gawing normal ang kanyang pamumuhay dahil marami siyang kayang gawin gamit lamang ang hindi paralisadong paa.
Hindi nakatanggap ng pormal na edukasyon si Hu dahil sa kanyang karamdaman. Sa halip ay ang kanyang ina ang matiyagang nagturo sa kanya kung paano magsalita at magsulat. Hindi ito naging madali dahil kailangang ulit-ulitin ng kanyang ina ang pagtuturo ng mga simpleng salita para matutunan ito ni Hu.
Nagbunga naman ang pagpupursige ng kanyang ina dahil labis pa sa pagsasalita at pagsusulat ng mga simpleng salita ang kayang gawin ni Hu. Nagsusulat na siya ngayon ng isang nobela na mayroon nang anim na chapters o humigit-kumulang 60,000 salita.
Malapit nang matapos ni Hu ang nobela. Ayon sa kanya, dalawang chapters na lamang ang kailangan niyang idagdag upang makumpleto ito.