ISANG bagong uri ng kamatis ang ibinebenta ngayon sa United Kingdom. Kakaiba ang mga kamatis na ito dahil sa kanilang hindi pangkaraniwang laki. Tinatayang 12 beses na mas malaki ang mga ito sa mga pangkaraniwang kamatis dahil umaabot ng 10 pulgada ang lapad ng mga ito at 3 pounds naman ang timbang. Sa nasabing laki ng mga kamatis ay sinasabing kaya nitong magpakain ng isang pamilya.
Tinaguriang Gigantomo dahil sa kanilang dambuhalang laki, ang mga kamatis ay resulta ng dalawang dekadang pananaliksik na isinagawa ng mga nagpapatubo ng kamatis sa UK at Amerika para makagawa ng isang uri na bukod sa malaki ay masarap din ang lasa.
Ang isa sa nagdebelop ng higanteng kamatis ay ang Amerikanong si Paul Thomas na 15 taong nagsaliksik ukol sa pagpapatubo ng mga higanteng kamatis. Sa kasamaang palad, binawian siya ng buhay bago niya makita ang matagumpay na resulta ng kanyang pag-aaral. Pumalit ang Briton na si Simon Crawford na nagpatuloy ng pagsasaliksik ni Paul.
Ipinagbebenta ang Gigantomo bilang mga maliliit na kamatis na puwedeng itanim sa mga paso. Nagkakahalaga ng £15 (katumbas ng P1,000) ang limang piraso nito. Puwede rin namang bilhin ang mga buto nito kung sanay na ang bibili sa pagtatanim. Nagkakahalaga ng £3 (P200) ang anim na buto ng Gigantomo.