SA mga mahihilig kumuha ng catering services. Huwag agad papatol sa mga iniaalok sa internet. Baka nakamura ka nga pero ang serbisyo, palpak.
Ang inaasahang maayos at disenteng mahahalagang okasyon tulad ng kasal, birthday o binyagan ang kalalabasan, kahiya-hiya pala.
Tulad nalang ng nangyari sa tatlong pobreng lumapit sa BITAG T3. Dalawang magkasintahan na nagpakasal na sa halip na hindi na ma-mrublema sa handa dahil sa kinuhang catering services, lalo pang nagka-problema na nag-iwan ng mapait na ala-ala sa kanila.
Ganito rin ang nangyari sa isang dalagang debutante na naudlot ang sana’y bonggang handaan.
Parehong modus ang ginamit sa tatlong kustomer. Inalok sa internet sa murang halaga. Pero ng makapagbigay na ng down payment at nakubra na ang pera, ang catering services nawala nang parang bula.
Inilalantad sa kolum na ito ang mga bogus at dorobong catering services, ang Cielo’s at Bleu Parsley na sa pag-iimbestiga ng BITAG T3, iisang kumpanya lang na may parehong address sa Caloocan.
Kaya ang napag-usapang putahe, decorations, wedding videos and photograph at cakes na kasama sa inalok nilang package, drawing lang.
Ang inaasahang bongga naging ordinaryong kasalan at katawa-tawa. Sarado na ang Cielo’s catering at Bleu Parsley catering services ngayon. Hindi rin daw sila rehistrado sa lokal na pamahalaan.
Babala sa publiko lalo na sa mga mahihilig magpapapatol sa mga online o social media, huwag agad magpapaniwala sa mga iniaalok sa inyo.
Huwag rin agad magbabayad sa kanilang serbisyo, nakapagpakita lang ng mga peke at nakaw na litrato upang hindi matakbuhan ng mga putok sa buhong nagkukuta sa internet.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.