Sanggol sa United Kingdom, natuto munang maglakad bago gumapang

ISANG sanggol sa ang masasabing kakaiba dahil mas nauna pa siyang maglakad kaysa gumapang.

Nagulat ang mga magulang ng sanggol na si Xavier King nang ito ay unang beses na maglakad dahil anim na buwan pa lamang siya ng ginawa niya ito. Ngayon ay kaya nang maglakad ni Xavier na hindi kinakailangang hu-mawak saan man.

Namangha ang mga dalubhasa sa child development sa kaso ni Xavier dahil karaniwang hirap pa sa paglalakad maging ang mga batang lampas isang taong gulang na.

Naniniwala naman ang mga magulang ni Xavier na si Mary at David na sadyang mabilis lang matuto ang kanilang anak kaya napaaga ang paglalakad nito. Maaga rin kasing natuto na umupo ang kanilang anak noong siya ay tatlong buwan pa lamang.

Mas nakakapagtaka pa ang kaso ni Xavier dahil ngayon pa lamang siya natututong gumapang matapos niyang matutunan ang paglalakad.

Sinasabing ang bouncing chair na ginamit kay Xavier ang dahilan kung bakit siya mabilis na natutong maglakad. Maaring nasanay ng mabuti ang mga binti ni Xavier mula sa kanyang pagkakaupo sa bouncing chair kaya nagawa niyang makapaglakad ng mas maaga kaysa sa pang­­karaniwang bata.

Problema naman nga­yon sa mga magulang ni Xavier ang kanyang kalikutan dahil sa kanyang kakayahan na mag­lakad. Hindi raw pu­wedeng iwanan ang bata ng mag-isa dahil siguradong maglalakad-lakad ito kung saan-saan. Sa katunayan ay bumili na ng playpen ang kanyang magulang upang masigurado nilang mananatili lamang sa isang lugar ang kanilang anak.

Show comments