ISANG asteroid na kasinglaki raw ng isang bundok, pinangalanang 2004 BL86 at may lapad na 1,800 talampakan ang inaasahang dadaan malapit sa daigdig bukas (Enero 26).
Pero ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Service Administration, walang idudulot na masamang banta sa daigdig ang Asteroid 2004BL86 na unang natuklasan noong Enero 30, 2004 ng telescope ng Lincoln Near-Earth Asteroid Research Survey sa White Sands, New Mexico. Ibig sabihin, walang palatandaang sasalpok ito sa mundo. Tinatayang 745,000 milya (1.2 milyong kilometro) ang layo nito kapag napadaan sa daigdig. Ang distansiya ay tatlong ulit ng layo ng daigdig sa buwan. Umaabot sa 384,400 kilometro (238,900 milya) ang average distance sa pagitan ng sentro ng daigdig at sentro ng mundo.
Gayunman, para sa NASA (space agency ng Amerika), kahit walang peligro sa daigdig ang 2004BL86, isa itong pambihirang pagkakataon para masuri nang malapitan ang ganitong bato sa kalawakan na mapapalapit sa ating planeta. Nais itong pag-aralan ng mga scientist, tukuyin ang orbit nito, obserbahan ang kanyang katawan at tingnan kung meron itong mga buwan.
Matatagalan umano bago maulit ang pagkakataong ito na may mapapadaang asteroid malapit sa daigdig. Sa Agosto 7, 2027 pa darating malapit sa daigdig ang isang asteroid na pinangalanang 1999 AN10.
Hindi madaling makita ang pagdaan ng 2004BL86 maliban na lang kung gagamit ng telescope o binocular.
Tutuntunin ng mga astronomer ang asteroid 2004 BL86 kapag napadaan ito sa daigdig gamit ang napakalaking dish-shaped antenna sa Deep Space Network ng Nationa Aeronautics and Space Administration sa Goldstone, California sa United States at sa Arecibo Observatory sa Puerto Rico.
• • • • • •
Lahat nang asteroid na merong natukoy na mga orbit ay merong numero sa kanilang mga pangalan na itinatakda ng mga dalubhasa. Ang unang natuklasang asteroid noong 1801 ay pinangalanang 1 Ceres. Ika-4,150 asteroid ang 4150 Star na natuklasan noong 1984 at ipina-ngalan kay Ringo Starr ng British band na The Beatles.