AYON sa tanyag na American Lung Association, ito ang mga puwede n’yong makamtan kapag itinigil ang paninigarilyo.
20 minuto pagkatapos itigil ang paninigarilyo – Bababa na ang iyong blood pressure at pulso. Nakaka-high blood kasi ang paninigarilyo.
8 oras pagkatapos itigil ang paninigarilyo – Bababa ang lebel ng carbon monoxide sa iyong dugo, at tataas ang oxygen. Ang carbon monoxide ay isang lason na nakukuha sa usok ng sigarilyo. Kapareho ito sa usok ng tambutso ng bus.
24 oras – Mababawasan na ang tsansa mong magkaroon ng atake sa puso.
48 oras – Manunumbalik na ang iyong normal na panlasa at pang-amoy. Mag-uumpisa na ding maghilom ang iyong mga ugat (nerves).
2 linggo hanggang 3 buwan – Gaganda ang sirkulasyon ng dugo sa katawan. Mababawasan ang iyong pag-ubo at pagdahak ng plema. Bibilis na rin ang iyong paglalakad dahil lalakas na ang iyong baga.
1 buwan hanggang 9 na buwan - Tuluyang lalakas na ang iyong baga at giginhawa ang iyong paghinga. Ang mga cilia (maliliit na parang buhok sa baga) ay manunumbalik sa kanilang trabaho na magtanggal ng plema sa baga.
1 taon pagkatapos itigil ang paninigarilyo – Mababawasan ng 50% ang tsansa mong magkaroon ng sakit sa puso kumpara sa isang taong tuluy-tuloy pa ring naninigarilyo.
10 taon – Mababawasan na ang tsansa mong magkaroon ng kanser sa baga, bibig, lalamunan, pantog at bato. Ngunit hindi pa rin mapapantayan ang kalusugan ng isang taong hindi kailanman nanigarilyo.
15 taon – Halos normal na ang iyong kalusugan kumpara sa ibang tao. Sa wakas, pagkalipas ng 15 taon, ang lahat ng mga dumi na dulot ng paninigarilyo ay naalis na sa iyong katawan. Congratulations at hahaba na ang iyong buhay.
Ang mga datos na ito ay base sa matagalang pananaliksik ng mga eksperto at doktor sa Amerika. Umasa ka na babalik ang iyong sigla at kalusugan kapag nagdesisyon ka nang itigil ang paninigarilyo.
Tandaan, ang tsansa mong atakihin sa puso ay mababawasan na agad 1 araw makalipas na itigil ang paninigarilyo. Kaibigan, kung gusto mong humaba pa ang iyong buhay, itigil na ang sigarilyo. Kaya mo iyan!